Benguet handa na sa pagbubukas ng agri-tourism sites

Provincial

LA TRINIDAD, Benguet – Pinaghahandaan ngayon ng provincial government ang muling mabuksan sa mga tourism destination, para maibangon ang ekonomiya sa larangan ng turismo sa lalawigan ng Benguet.

“Kilala ang Benguet bilang Agriculture province at alam nyo naman na 80 porsiyento ng vegetables sa iba’t ibang lugar sa bansa ay galing dito, kaya dito tayo naka-sentro at pangalawa lamang itong turismo, dahil ang iba nating mga farmers ay ginawang agritourism ang kanilang lugar para sa karagdgang kita, na aminado naman ako na malaking tulong para kilalanin din sa ating probinsya sa larangan ng turismo,” pahayag ni Governor Melchor Diclas, nang makapanayam ng ABN.

Ayon kay Diclas, inaantay na lamang nila ang “go signal” ni Department of Tourism Secretary Bernadette Puyat para payagan ang mga outdoor tourism activities sa Benguet.

Aniya, kamakailan ay kasama niya si Puyat na bumisita sa bayan ng Atok para sa validation nito sa dalawang farm na ginawang agri tourism sites, ang Sakura Farm at ang Northern Blossom Flower Farm.

“So now, it is still up to the municipalities if they are ready or not to open their tourism site in coordination with National Requirements. May mga ibang open naman, pero sa local residents lamang.”

Ayon pa kay Diclas, umaasa sila sa kabila ng pagpayag ng National Inter-Agency Task Force (IATF) sa ilalim ng Resolution No. 125 ay ang pagpayag sa limitadong pagbubukas ng Parks, Playgrounds, Beaches, Biking and Hiking Trails, Outdoor Tourist Sites and Attractions, mula sa evaluation na isinasagawa ng DOT, ay mabuksan ang agri-tourism sites sa Benguet.

“We still focused on agriculture at ibinibigay natin mga pangunahing programa para sa ating mga farmers, upang mas lalo pang mapalago ang distribution ng vegetables sa merkado at kailangan pa naming ay ang farm to market road,” wika pa ni Diclas.

Sinabi pa ni Diclas na malaki ang pasalamat niya kay Benguet Caretaker Eric Yap sa malasakit nito sa mga farmers, dahil hindi siya nahihiyang manghingi sa national government para sa kapakanan ng lalawigan.

Ibinida nito ang kasalukuyang proyekto ni Yap, ang P400 milyong farm to market road sa mga lugar na kinakailangan ng kalsada para sa paghahatid ng gulay sa market ng mga magsasaka.

Pinuri rin ni Diclas si Yap sa agresibo nitong pagtulong sa mga magsasaka, minero, women’s group, senior citizens at mga individual mula sa 13 bayan, sa pamamagitan ng “ayuda” ng DOLE sa ilalim ng TUPAD.

Zaldy Comanda/ABN