Bigyang laya ang pag-angkat ng bigas

Ipinagmayabang ni Department of Agriculture Secretary Manny Pinol na pumalo sa makasaysayang produksiyon ng bigas ang bansa na umani ng 19.28 Million Metric Tons noong taong 2017 na mas mataas ng 1.6 MMT noong 2016 at inaasahang mas mataas pa sa taong ito sa aning 19.4 MMT. Sinabi pa ni Pinol na nasa 93% ang self-sufficiency sa bigas ang bansa at tinatayang papalo sa 95% sa taong 2019.
Kung titingnan sa datos ay sapat na at sobra pa ang naaning bigas para sa humigit kumulang 100 milyon Pilipino sa taong ito at may matitira pa para sa susunod na taon. Pero bakit nagkukulang pa rin ang bigas sa bansa, bakit kailangan pang umangkat para mapunan ang diumano’y kakulangan na ito at bakit nananatiling mataas ang presyo ng commercial rice?
Una nang siniguro ng gobyerno na walang kakulangan sa bigas ang bansa. Subalit kalauna’y inihayag ni Secretary Pinol na ang rice inventory ng bansa na 1,320,927 metric tons (MT) ay sapat lamang para sa 40 araw na mas mababa sa kinakailangang 90-day buffer stock. Sinisi ng ilang opisyal ng gobyerno ang mga mapagsamantalang malalaki at tiwaling negosyante sa pagmamaniobra sa kalakalan ng bigas na humantong sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga commercial rice.
Sa gitna ng mainit na usapin sa bigas ay napilitang aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong kalagitnaan ng Abril na umangkat ng 250,000 MT sa ilalim ng Government to Government (G2G) importation na dumating sa bansa bandang hulihan ng Hunyo na. Mayroon pang ikinakasang karagdagang 132,000 MT ang aangkatin ng gobyerno na nakatakdang ipamahagi sa Mindanao. Mas mababa nang di hamak ang presyo sa ibang bansa kaysa sa atin.
Hanggang sa inilabas ng Commission on Audit (COA) ang kanilang ulat sa pagsisiyasat na inilihis ng NFA ang nasa P5.1 bilyon pondo nito na para sana sa food security program at upang ma-stabilize ang presyo at suplay ng bigas at mais sa pambayad ng mga utang nito. Naiwasan sana ang pag-angkat ng bigas kung ang pondong ito ay nagamit sa mga insentibo para sa mga magsasaka at pambili ng lokal na bigas sa mga lokal na magsasaka. Ito sa pananaw ng COA na katanggap-tanggap naman ang naging dahilan ng kakulangan sa bigas ng bansa. At ang epekto ay sunod-sunod na at kabit-kabit. Ang nasabing utang ayon kay NFA Administrator Jason Aquino ay mga dating utang noon pang administrasyon ni dating Pangulo at ngayo’y House Speaker Gloria Macapagal Arroyo.
Ang kasalukuyang kontrobersiya  sa importasyon ng bigas ay hindi na hinggil sa ilan ba ang aangkatin kundi kung sino ang dapat may kontrol sa kung anuman ang aangkatin, dahil kung tutuusin ay wala namang kakulangan sa bigas.
Mula’t-sapul pa ay ang National Food Authority na ang may solong legal na awtoridad na mag-angkat ng bigas, isang legal na monopoliya na nagbibigay sa NFA ng kapangyarihan na magtakda ng pabor,renta o suhol mula sa mga pinagbibigyan nito, gayundin ang pagbebenta ng mga lisensiya para makapag-angkat. Sa ‘diskarteng’ ito siguro nag-uugat ang isyu sa pag-aangkat ng bigas.
Mas mainam na siguro na payagan na lamang ang sinumang pribadong tao o entidad na malayang mag-angkat ng bigas sa sariling gastos at pananagutan habang tutukan na lamang ng gobyerno ang lokal na produksiyon.      PMCJr.

Amianan Balita Ngayon