BIKE FOR A PURPOSE, TAGUMPAY NA NAISAGAWA SA BENGUET

LA TRINIDAD, Benguet

Matagumpay at mapayapang naisagawa ng Benguet National High School ang kanilang proyektong “Bike for a Purpose” na inilunsad ng bilang huling aktibidad sa pagdiriwang ng ika-33 taong
Founding Anniversary na may temang “Moving Forward with Sustained Resilience and Excellence”. Bago ito sinimulan noong Pebrero 11, ay nagkaroon muna sila ng orientation para sa mga gagawin ng mga kalahok bago at pagkatapos ng aktibidad upang mapanatili ang kaayusan at katiwasayan na layon ng pagdiriwang.

At pagkatapos naman ng rides ay nagkaroon din sila ng maikling programa na may libreng pagkain na bigay ng mga sponsors at raffle draw para sa mga bikers na kalahok. Ang mga papremyo ay
napag-alamang mga bike accessories gaya ng bike bags, t-shirts, at iba. Ayon kay Randy Anno, isang guro ng BNHS na lumahok din sa programa, natapos nila ng mga kasama niya ring guro ang short ride na may layong 12.5 Cordilleran Kilometers, U-Turn sa Sadjatan Viewpoint.

“Kahit 1st-time, ito ay masasabi kong tagumpay. Ayos siya, marami din kasing nag sponsor. Hindi mo aakalain na marami palang tutulong at mga bikers na sasali ganon,” paliwanag ni Anno. Sa tulong ng mga nag boluntaryong mga organisasyon kagaya ng Cordilleran Comprehensive Action team, mga pulis, barangay tanod, marshalls, at marami pang iba na nakaantabay simula umpisa
hanggang matapos ang programa upang masiguro ang kaligtasan ng bawat kalahok ay naging epektibo na nakapagtala ng zero-incident.

Ayon naman kay Rendalheim Kinnud, isang grade 9 student ng BNHS, bagamat siya’y nahirapan sa pataas at pababang daanan ay muli siyang sasali sa ganitong aktibidad sa susunod na taon. “Mag-isa akong sumali pero may mga nameet akong bagong kaibigan along the way,” dagdag pa nito.
Ayon kay Caleb Atas, isa sa mga organizer, sila ay naka likom ng humigit-kumulang sa P25,000.00, kasama na rito ang mga nalikom sa registration fee at cash assistance na ibinigay ng mga sponsors.

“Uumpisahan namin ang proyekto as soon as next week, basta ma-coordinate na natin agad sa mga gagawa ng bike tracks. Ang mga gagawa kasi ay ang mga students under Shielded Metal and Art
Welding (SMAW), so, baka minimal lang ung babayaran natin para sa labor. May nagbigay din ng isang buong tubo,” dagdag pa ni Atas. Sa pangkalahatan, ang “Bike for a Purpose” ay maituturing na tagumpay at nakalikom ng sapat na pondo para sa proyektong kanilang gagawin. Ipinahayag din ng mga organizers ang kanilang overwhelming na pasasalamat sa mga tumulong at nag-sponsor para maging posible ang programang ito.

Franz Angielyn Olarte/UB-Intern/ ABN

Amianan Balita Ngayon