Binata, nabaril ang sarili

Aksidenteng naputukan ng isang binata ang sarili nito sa natagpuang baril bandang 3:40pm ng August 7 sa Liteng Street, Pacdal, Baguio City.
Kinilala ang biktimang si Mhar Bagayao Garci, 20 anyos, single at residente ng Siapno Road, Liteng, Pacdal.
Ayon sa imbestigasyon, inaayos ni Garci ang tubo ng kanilang tubig nang natagpuan nito ang isang calibre 9mm Parabellum pistol sa isang madamong bahagi sa Liteng Pacdal.
Ayon pa sa biktima, papunta na siya sa Police Station 3 ng BCPO upang isuko ang nasabing armas at isinuksok ito sa kaniyang baywang nang hindi nalalaman na ito ay may bala. Sa kaniyang paglalakad, aksidente nitong nakalabit ang gatilyo at tinamaan ang kaniyang kaliwang hita. Ang biktima ay agad isinugod ng kaniyang mga kamag-anak sa Baguio General Hospital para sa agarang lunas.
Kalaunan, personal na isinuko ni Norberto Digway Marcos, kamag-anak ng biktima, ang nasabing armas na may serial no. 61085 at may isang magazine ngunit walang ammunition.
Nagpunta ang personnel ng Station 3 sa lugar ng pinangyarihan at nagbakasakaling ma-recover ang naipaputok na bala subalit wala silang nakita. Pinayuhan ng attending physican ng biktima na sina Dr. Miguel Reyes at Dr. Meljann De Vera na kinakailangan itong maoperahan.

Amianan Balita Ngayon