Binatilyo, patay matapos mag-dive sa Burnham Lake

LUNGSOD NG BAGUIO – Isang binatilyo na nag-dive sa Burnham Lake ang namatay habang ginagamot sa hospital noong hatinggabi ng Huwebes (Mayo 31), siyudad na ito.
Kinilala ng pulisya sa pamamagitan ng 2×2 ID picture na may name tag ang biktimang si Lharz Louvic Bayawoc Wanna, 16, ng Purok 08, Kias, Baguio City at isang estudyante. 
Sa imbestigasyon na base sa naging pahayag ng nakasaksing sina Chris Setosta Aguilar, 20, cashier sa isang kainan sa Governor Pack Road, Baguio City at nakatira sa Purok 5, Bakakeng Central, Baguio City at Geofrey Imasa Eslava, 19, stay-in laborer at nakatira sa Tomay, La Trinidad, Benguet, nasa Burnham Park sila, dakong hatinggabi ng Huwebes nang makita nila ang biktima na tumatakbong papalapit sa gilid ng lake.
Maya-maya ay bigla umano itong nag-dive sa lawa at agad silang lumapit at sinabihan ang biktima na lumangoy pabalik sa pampang, subalit binalewala sila.
Habang nakalutang umano ang biktma sa tubig ay bigla itong lumubog at hindi na lumitaw.
Sa pagresponde ni SPO4 Miguel Gayaden, ng Tourist Police Unit, ay agad din itong lumusong sa lake para sagipin ang walang malay na biktima at mabilis nila itong isinugod sa Baguio City General Hospital and Medical Center.
Dakong 5:30 ng umaga ng Huwebes nang makatawag ang Police Precinct 7 ng BCPO mula kay duty security guard Gerry Sagayo ng BGH Emergency Room na ang biktima ay binawian na ng buhay. Patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente. ZALDY COMANDA/ABN

Amianan Balita Ngayon