LA TRINIDAD, BENGUET – Inihain sa Sangguniang Bayan (SB) ng La Trinidad ang isang ordinansa na kumikilala sa paggamit ng social media bilang mabisang kasangkapan sa pamamahagi ng impormasyon sa mga residente.
“This is a very powerful tool to inform the people,” pahayag ni Konsehal Roderick C. Awingan, may-akda ng ordinasang “Institutionalizing the use of Social Media as a communication tool in the municipality of La Trinidad” sa naganap na sesyon ng SB noong Hunyo 26 sa Sangguniang Bayan Session Hall.
Layunin ng nasabing ordinansa ang magbigay kaalaman at kamalayan sa mga tao ukol sa mga importanteng pangyayari sa bayan. Ilan lang ang facebook, twitter at instagram sa mga nabanggit na social media sites na gagamitin ng lokal na pamahalaan ng La Trinidad para maging medium o kasangkapan upang makipag-ugnayan sa mga netizens.
Bukas din ang mga nasabing sites sa mga mensahe mula sa mga tao tungkol sa kanilang mga hinaing, alalahanin, reklamo o mga mungkahi para sa bayan at nasasakupan nito. Sa ganitong paraan ay mas magiging mabilis ang pagkilos at aksyon ng lokal na pamahalaan.
Nilinaw din ni Awingan na magtatalaga ng mga piling tao sa munisipyo kung sino ang hahawak sa mga account ng mga social media sites, bago ipaparating sa mayor o sa bise mayor at sa opisyales na kikilos hinggil sa paksa na bibigyan ng aksyon.
Aniya, may mga itinalaga na ring mga “posting rules”, tulad ng pagsisiguro ng munisipyo na may magmomonitor sa mga social media sites na ito upang walang komento o post na maaaring ikasira ng reputasyon ng lokal na pamahalan.
Dagdag pa niya, hindi kasali sa mga ipapahayag ang mga personal, confidential na usapin at impormasyon. Lusot na sa ikatlong pagbasa ang nasabing ordinansa. MARK JASON SELGA, UC Intern
June 29, 2018