Bise mayor ng La Union at isa pa patay sa ambush

CAMP BGEN OSCAR M FLORENDO, La Union – Agad na binuo ang isang special investigation task group (SITG) para sa mas malalimang pagsisiyasat sa pananambang sa convoy ng mayor at bise mayor ng Balaoan, La Union noong Nobyembre 14, 2018.
Patay si Bise Mayor Alfred O. Concepcion at isang bodyguard na si Michael M. Ulep habang nasugatan ang anak ng bise mayor na si Mayor Aleli U. Concepcion at pito pang katao na kinabibilangan ng ilang bystanders.
Kasama sa mga nasugatan sina Roniel R. Valdez, 45, driver ng mayor, at residente ng Barangay Apatut; Dominador S. Bautista, 30, residente ng Barangay Butubut; Joey V. Lopez, 33, driver ng bise mayor, residente ng Barangay Oeste; Samuel O. Natividad, 46, residente ng Barangay Nagsabaran Norte; Danilo C. Mendoza, 50, kagawad at residente ng Barangay Nalasin; Roberto A. Octavo, 58, tricycle driver, bystander at residente ng Barangay Cabua-an; at si Marilou O. Dingle, 37, bystander at residente ng Barangay Nagsabaran, pawang sa bayan ng Balaoan, lalawigan ng La Union.
Ayon kay Region 1 Police Director Chief Superintendent Romulo E. Sapitula, naka-convoy ang sasakyan ng mayor na Toyota Innova AOG 966, ang Hyundai Starex Van SHZ 467 ng ama nitong bise mayor at Rusi motorcycle na minamaneho ni Ulep papunta sa municipal hall nang pinagbabaril ang mga ito ng hindi pa nakikilalang mga suspek na lulan ng hindi pa inilarawan na uri ng sasakyan.
Nasugatan ang lahat ng mga nakasakay sa convoy at agad na isinugod sa Balaoan District Hospital at sa Lorma Medical Center sa City of San Fernando ngunit hindi na nakarating nang buhay sa ospital ang bise mayor at si Ulep.
Narekober sa crime scene ang basyo ng bala ng Cal. 5.56.
Ayon kay Sapitula gagawin ng SITG Concepcion ang lahat ng magagawa nito upang malaman ang motibo sa ambush at mahuli ang mga suspek.
LU BILANG ELECTION HOTSPOT
Bunsod ng naturang pananambang sa Balaoan ay naisama ang La Union sa hotspot list ng Philippine National Police (PNP) para sa midterm elections sa 2019.
Ito ang isiniwalat ni PNP chief, Director General Oscar Albayalde, noong Nobyembre 15, isang araw pagkatapos ng ambush sa mag-amang Conception.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa nalulutas ng kapulisan ang pagpaslang kay Mayor Alexander Boquing ng Supiden, La Union noong Oktubre at La Union 2nd District Rep. Eufranio Eriguel noong Mayo.
Samantala, sinabi ni Albayalde na hinihintay pa nila ang abiso kung isasailalim ang probinsya ng La Union sa kontrol ng Commission on Elections (Comelec). May ulat si: ERWIN BELEO / ABN

Amianan Balita Ngayon