“Blacksand mining sa Cagayan”

Saksi ang mga mamamayan sa walang habas na pangangamkam ng magnetite iron (black sand) sa baybayin ng Aparri.

Dayuhang Chinese ang nakikita nilang nagdadala ng bulto-bultong mineral palabas ng bansa. Ang alkalde ng Aparri mismo ang nagpapatunay na mayroon black sand mining sa kanyang nasasakupan sa kabila ng kawalang kaukulang permiso nito mula sa lokal na pamahalaan.

Ngunit pinasusubalian naman ng Mines and Geosciences Bureau Region 2 na kakalunsad lamang ng pagsusuri noong Disyembre na dredging lang daw ito ng buhangin.

Ngunit ang Simbahang Katoliko sa Aparri ang naninindigang naka-apat na beses nang nakapag-haul ang mothership na Hongchang sa China simula nung huling bahagi ng 2021. Ang dredger vessel Endeavour 1 ay may kakayahang maglulan ng 8,000 metric tons bawat byahe karga sa Hongchang mothership, na kayang maglulan ng 64,000 metric tons. Iba ang nakikita ng mamamayan at mangingisda ng Aparri.

Nag-ooperate ang dredger vessels hindi lamang sa Cagayan River kundi sa dagat malapit sa Babuyan Channel.

Kung river restoration ang pakay ng dredging, bakit nakakaabot sa karagatan?

Amianan Balita Ngayon