Boarder na pumatay sa landlord, nasakote habang papatakas

LUNGSOD NG BAGUIO – Sa mabilis na follow-up na isinagawa ng  Station 2 ng Baguio City Police Office, nadakip ang tumatakas na suspek sa pagpatay sa kanyang landlord sa Barangay Pinsao, sa siyudad.
Pinangunahan ni Senior Inspector Arnold Lising, chief of police ng Station 2, ang pagtugis sa suspek na si Atos Bolanos, na papauwi sa Antipolo, Rizal, pero nasakote siya sa may NLEX Mexico, Pampanga na sakay ng isang bus.
Ang biktima ay nakilalang si Recaredo Ramos Mortel, 74, may-ari ng apartment sa No. 262 C Purok 3 Pinsao Proper, Baguio City, na namatay habang isinusugod sa ospital dahil sa tinamong saksak ng patalim sa dibdib.
Bago maganap ang krimen, noong Agosto 26, dakong 3:30 ng hapon, ang suspek, kasama ang isa pang border na si Daniel Milante ay nag-iinuman sa nasabing bahay at nang malasing si Milante ay natulog na ito, habang naiwang mag-isa si Bolanos.
Dumating ang biktima at niyaya ang isa pang boarder na si Jojo Zarsuela, na mag-inuman sila, pero tumanggi ito, kaya lumapit na lang ang biktima sa suspek at sila ang nag-inuman.
Habang nasa kasarapan ng inuman, kinulit nila si Zarsuela na makipag-inuman at pumayag ito. Maya-maya ay nakita na lamang si Bolanos na tumayo at nagtungo sa kusina at pagbalik ay hawak na nito ang isang kitchen knife at inundayan ng saksak ang biktima. Paliwanag ni Bolanos, naglabas umano ng baril si Mortel na ikinabigla niya, kaya naisip niya na baka siya ay barilin, kaya inunahan na umano niya ito. ZALDY COMANDA

Police Patrol

AMIANAN POLICE PATROL

Amianan Balita Ngayon