Boracay, sarado na; saan ang susunod?

Sarado na ang Boracay mula noong Abril 26. Tatagal daw ito ng anim na buwan. Tiyak, maraming taga-Boracay (residente at negosyante) ang maninibago. Una, wala ng turista kung saan sila kumikita. Ikalawa, malaking pera o revenues ang mawawala din sa panig ng pamahalaan. Ikatlo, pag-bukas ulit sikat pa rin kaya ito? Ang pangatlong kaba ang ating bibigyan ng pansin, pards.

******
Nagsimula na ang baklasan sa mga istrakturang illegal sa isla ng Boracay. Masusing sosonahin ang lahat ng lugar kung saan nagmumula ang dumi sa karagatan. Mapapaluwang ang mga kalsada o daanan. Mabibigyan din ng temporaryong trabaho ang mga empleyadong nawalan ng hanapbuhay. Sila ang gagamitin sa rehab. May inilaan din ang gobyerno na mga pangkabuhayan at iba pang tulong sa mga apektado. Nakapondo na rin ang lahat ng ahensiya ng gobyerno roon upang umalalay sa lahat ng pangangailangan. Meron pang inilaang pondong pinansiyal bilang transportation allowance at para sa pagkain ng mga apektado. In short, kumpleto na ang inilatag na pondasyon para sa anim na buwang Linis-Boracay Program. Pero sa likod ng lahat ng ito, marami pa ring kilay ang tumaas na ang katuturan ay – hindi sila bilib!

******
Tiyak na maraming nagnegosyo at nagtrabaho rito na mula pa sa ibang lugar (Pinoy at dayuhan) ang bumalik na sa kani-kanilang probinsiya o bayan. Hahanap ulit sila ng maaaring ikabuhay sa loob ng anim na buwan. Natural ding umalis ang kanilang mga empleyado kung sakaling di na sila matutustusan. Ang iba naman ay piniling manatili na lang sa Boracay at magbago ng hanap-buhay. Sabi naman ng marami bago naging turismo ang pinaka-sentrong negosyo sa isla, sila ay may mga hanapbuhay na dahil sila’y taga-Boracay na noon pa. Ibig sabihin, balik-sa-dati pansamantala at hintaying matapos ang rehab. Ang dapat lang ay tanggapin ang planong rehab ng pamahalaan dahil sa muling pagbubukas nito (Bagong Boracay), tiyak na sila rin ang makikinabang. Kung sakaling babalik agad ang karismang-pangturismo ang isla pagkatapos ng rehab, makakabawi rin sila sa kanilang mga lugi. At sa panig naman ng mga empleyado ng apektadong mga malalaking negosyo (hotel, bars, etc), may kasiguruhan namang sila’y makakabalik ulit sa kanilang trabaho, ayon sa mga negosyante. Ang maganda sa rehab ay ang pagkakatuklas na may mga paglabag na naganap dahil sa mga opisyal na nagpabaya at umabuso sa kanilang tungkulin. Sila ang dapat panagutin sa sinapit ng buong isla.

******
Tanong: pagkatapos ng Boracay, saan naman kaya ang isusunod na mahahalukay ng pamahalaan? Tiyak marami na ang nakapila sa listahan at masusuyod silang lahat. Kung ano ang makitang illegal, hindi palalampasin. Puwede rin silang isara gaya ng Boracay upang maituwid ang mali. Sabi nila, kinakailangang mailayo ang mga istraktura sa abot ng tubig lalo na sa high tide. Pero kung sosonahin natin ang iba’t ibang resorts o islang-pangturista sa buong bansa, marami ang bagsak sa tuntunin o reglamentong yan. Meron pa ngang mga resort na nasa tubig na mismo ang mga istraktura. Bulong nila: marami pa ang masasarhang resort-islands sa bansa. He he, sa Baguio City nga wala namang dagat, pero isusunod din daw na magkaroon ng ala-Boracay Linis Program. Sabi nga nila: masarap mabuhay sa malinis na kapaligiran. Adios mi amor, ciao, mabalos!

Amianan Balita Ngayon