BuCor, lungsod sa loob ng isang lungsod

Sa lawak na 551 ektarya at populasyon na 26,877 mga bilanggo (persons deprived of liberties – PDLs) base sa pinakahuling tala noong Mayo 2018, at idagdag pa ang nasa 2,862 mga opisyal at personnel na namamahala dito, ang Bureau of Corrections (BuCor) o New Bilibid Prison o Kawanihan ng mga Bilangguan na nasa Muntinlupa ay maituturing nang isang maliit na lungsod. Lungsod sa loob ng isang lungsod.
Gaya ng isang pangkaraniwang lungsod, ang buhay dito ay umiikot din na parang normal kahit pa nababakuran ng matataas na pader at sinasabing walang kalayaan dahil nga “piitan” ito subalit sa katotohanan ay baka “mas malaya” pa nga at maginhawa ang pamumuhay sa loob.
Gaya pa rin ng isang lungsod, kumpleto ang tila politikal na patakbo sa BuCor dahil may mga opisyal ding namumuno, may mga batas at alituntunin, may mga bantay ng kaayusan kapayapaan, (jailguards) may pangkabuhayan, may makakain, may tirahan, may libangan, may ospital at iba pang pasilidad na gaya ng nasa labas na buhay. Higit sa lahat ay may taunang badyet.
Base sa panukalang PhP18.6 bilyon na budget ng BJMP sa 2020, ang taunang gastos sa pabahay, pagkain, pagbabantay at pagbiyahe sa isang bilanggo ay nasa PhP101,887.
Tinatayang aabot sa 182,556 ang populasyon ng mga piitan ng BJMP sa susunod na taon, at maaari pang tumaas ang bilang depende sa takbo ng mga paghuli bunsod ng “war on drugs” at iba pang krimen. Gaya ng isang lungsod, lumalago ang populasyon ng mga bilanggo.
Habang pinapangasiwaan ng BuCor ang mahigit 47,000 kasama ang nasa iba pang “penal colonies”, ang taunang gastos sa pangangalaga ng isang bilanggo ay nasa PhP91,407 kung kaya hinihiling ng BuCor ang budget na PhP4.3 bilyon para sa susunod na taon.
Ang isang bilanggo ay may taunang budget sa pagkain na PhP25,550 at PhP 5,475 sa medisina.
Ang budget ng BuCor ay doble pa sa 2019 budget ng Baguio City na nasa mahigit P2 bilyon, parang “highly urbanized city” na nga ang NBP.
Gaya ng isang lungsod, ang “Pambansang Bilangguan” na ito ay hindi naligtas sa korapsiyon, mga iligal na aktibidad, krimen, droga, prostitusiyon, at mga iba pang anomalya na pinainit ng pinakahuling kontrobersiya sa GCTA.
Ang ganitong gawain sa loob ng BuCor ay matagal nang umiiral na unti-unting nabubunyag subalit tila wala pa ring kahihinatnan ang mga imbestigasyon o hakbang kung mayroon man.
Gaya ng isang lungsod na kahit papalit-palit ang mga namumuno ay nananatili pa rin ang problema dahil tila nakakapit na sa sistema ang mga masama at iligal na gawain sa loob ng bilangguan.
Mistulang “untouchables” ang mga pinuno ng mga iligal na gawain sa loob at labas dahil sa malakas na koneksiyon at proteksiyon na kahit pa mga dating heneral o opisyal ng militar at police ang namuno sa BuCor ay walang naiba.
Sa loob ng tatlong taon ay tatlong “heneral” ni Pangulong Rodrigo Duterte ang itinalaga niya sa BuCor, ang pangatlo ay uupo pa lamang. Bagaman may mga imbestigasyon sila, may mga pagbubunyag, lumalabas na tila wala namang pinuntahan dahil tuloy pa rin ang ligaya sa loob at labas.
Kahit pa iniutos na ng Pangulo ang “total revamp” o pagbalasa sa BuCor at ang pagtatalaga kay Bantag na mamuno sa BuCor, ang tanging magagawa na lamang natin ay umasa at maghintay ng kahihinatnan ng mga pangyayari hangga’t hindi nakakayod ang talamak na kalawang kumapit na sa mga korap na mga buto at pagkaganid sa salapi ng ilang opisyal.
Dahil tama nga naman, ang bilyon-bilyon piso na ibinabayad natin para sa ating mga bilanggo ay siyang mistulang taunang pambansang multa na bayad natin sa hindi matapos-tapos na problema.

Amianan Balita Ngayon