Bukas sa Turista, Bukas sa Klase

Opinion

Sa araw ng Lunes, ay pagkakataon naman ng mga public schools ang buksan ang mga klase sa Basic Education sa ilalim ng pinaiiral na K-12 educational program. Noong Agosto, pinayagan ng otoridad ang pagsisimula ng klase sa mga pribadong paaralan at maging mga pang-unibersidad, upang magkaroon ng palatandaan ang mga paghahanda. Oo nga naman, unahin ang pribadong sector, at kung ang publikong paaralan ay hindi pa puspusang handa, ay magkaroon ng mga liksyong pampamahalaan.

Kahapon ay sinimulan na rin ang pagbubukas ng Baguio sa pagdating ng mga turista, bagama’t limitado pa rin na galing lamang sa Region 1 provinces ang pwedeng tanggapin for tourist visit.

Ilan ang dumating, 200 na tao kaagad ba? Ayon sa ating City Tourism Officer, 2 katao lang ang nabigyan ng pahintulot na makapasok sa Baguio, na ilang araw ding inaplayan at Byernes pa lamang naaprobahan.

Ang 200 per day na limitasyon ay maaaring sa mga susunod pang mga araw. Sa ngayon, sinasabing mga 50 na aplikante ang may pormal na pagnanais na makasama sa tinaguriang Tourism Bubble, at inaasahang makukumpleto ang kanilang mga safety clearances sa darating na panahon.

Iisa ang kahulugan ng tila mababang bilang ng mga nagnanais na pasyalan ang Baguio sa kasalukuyang panahon. Matindi ang safety concerns na patuloy na umiiral sa ating mga kapatid probinsya sa ka-Ilokohan. May pagnanais nga, pero kung ang mga nababalitang pananalasa ng covid-19 sa Baguio ay paniniwalaan, medyo dehado tayo na bibigyan ng tiwalang ligtas silang mga bibisita sa atin.

Nitong nakaraan mga araw lamang, ay tila lobong nakapiglas ang bilang ng mga nag-positive. May araw na 63, may araw na 52, may araw na 38, pagkatapos ay muling aakyat sa higit 50. Ayon na rin sa ating mga opisyal, lalo na kay Mayor Benjie, isang cause for concern ang rising incidence of covid cases. Pero, kanyang nilinaw na ang sitwasyon sa pandemya ay hindi dapat na ikabahala sa ngayon.

Diin pa nya, ang mga nasawi ay nasa 12 pa lamang, na siya ring bilang halos 2 buwan na ang nakaraan. Kanya pang idinagdag na ang fatality count sa unang 3 buwan ay nasa 2 lamang, at nagsimula lang tumaas sa susunod na 4 na buwan.

Dapat din umano nating tingnan ang recovery rate ng mga nahawaan. Maganda ang mga numero, na big sabihin ay epektibo ang treatment stage sa mga nag-positibo at nakahawa ng iba. Ibig sabihin, sapat na sapat ang bilang ng mga hospital bed for covid patients upang maayos nilang magamot ang mga mild to moderate cases.

Isa ring dahilan ng paglobo ng mga kaso ay ang clustering of cases sa mga barangay na tila nawalan ng control ang mga namumuno ng barangay para sa mga masisiglang pagtutumpukan na
nauuwi sa magdamagang laklakan na tagay-tagay sa iisang baso at salit-salit sa iisang kutsara o tinidor para sa pulutan. Haay nga naman.

Paano ba natin masasawata ang ganitong mga pagtitipon kung iniwawaksi naman ang mga personal protection sa ating mga sarili. Walang social distancing, walang face mask wearing, walang face shield wearing, walang frequent handwashing or sanitizing, at lalo’t higit, walang pakialam sa mundo!

Bukas na ang klase, gaano kahanda si Ma’am at Sir para turuan ang mga bata ng kanilang liksyon, gamit ang tila hindi pa dumarating na elearning modules dahil, as usual, kinulang ang supply ng DepED central office para sa mga tamang gamit? Paano na si Boyet at si Nene na makasali sa baong paraan ng pagiging present sa klase, kung wala naming wifi at internet na magkokonekta sa kanyang laptop na hindi pa rin dumarating sa pinagutangan?

Dalawang araw ang ilulugar ng dalawang turista galing Ilokos, at tila bukas din ang check-out nila paalis ng Baguio at pabalik sa pinaanggalingang probinsya. Dalawang oras na kanilang naranasan ang buhay Baguio sa ilalim ng pandemya. Naging ligtas ba sila at ang sinomang nakasalamuha sa hotel na tinuluyan, sa mga lugar na nasa kanilang itinerary, at sa iba pang taga-Baguio na kahit papaano ay nagkaroon ng madaliang contact?

Sa bandang huli, kaligtasan ng bisita at tagarito ang mahalagang maseguro, upang ang mga dumalaw sa atin ay maibahagi ang ligtas na pamamalagi at pamamasyal sa Baguio. First-hand experience, ika nga, para mahikayat ang iba pa — kapamilya, kapit-bahay, ka-trabaho — na magkaroon ng kahit na ilang araw na pagbisita dito sa Baguio.

Unti-unti, dahan-dahan, utay-utay — yan ang ginagawang stretehiya ng lungsod upang maiwasan ang pagkakasakit sa panahon ng pandemya. Sa eskwelahan man o kabahayan kung saan ang aralin ay nagaganap, sa mga lugar ng pasyalan man, dapat sundin lagi ang mga basic health protection practices.

Iwas sakit na, liksyon aralin pa, gandang pasyalan pa!