Buong Squad Ng Rebelde Sumuko Sa Cagayan “Tatlong NPA Sa Abra Bumaba”

Provincial

Isang buong squad ng rebeldeng NPA, bilang na pito, ang sumuko sa mga sundalo noong Miyerkoles sa Cagayan. Nagbunga umano ang pagsisikap ng Philippine Army’s 17th Infantry Battalion nang ang “Platoon Bravo” ng West Front Committee, Komiteng Probinsya-Cagayan (KOMPROB-CAGAYAN), na naka-base sa Zinundungan Valley, sa pagitan ng mga bayan ng Rizal at Sto Niño sa Cagayan ay boluntaryong sumuko tangay ang isang M16, dalawang home-made shotguns, isang cal.38 revolver, mga bala, isang granada, ammunitions, tatlong rifle grenades, NPA flag at mga dokumento, ayon kay Lt. Col.

Angelo Saguiguit, commander ng naturang Army battalion. Ayon kay Saguiguit, lubahang kahirapan ang nagtulak sa mga rebeldeng sumuko na lamang at mamuhay ng tahimik kasama ang kanikanilang mga pamilya.

“Ang (kanilang) pagbabalik-loob ay malaking tulong hindi lamang para sa kanila kundi pati na rin sa kaayusan ng ating pamayanan,” wika ni Saguiguit. Ikinagalak niyang sambitin na, “higit lalong napakagandang regalo ito para sa inyong mga pamilya. Pagkakataon ninyo ito upang makapagbagong buhay at magsimulang muli.”

Samantalang, tatlo namang rebelde sa north Abra ang sumuko din sa Benguet police ngayong linggo.

Ang tatlo na hindi pa rin pinapangalanan ng pulisya ay diumano’y nakatala sa “Periodic Status Report on the Threat Groups (PSRTG) watchlist for the 4th Quarter of 2020”, ayon kay Cordillera police director Brig. Gen. Ronald Lee.

Ayon pa kay Lee, ang tuloy-tuloy na contact sa pamilya ng mga rebelde ang nagtulak upang pumayag na magbagong-buhay na lamang ang tatlo, na aayudahan naman ng pamahalaan sa pamamagitan ng cash assistance, material assistance at trabaho.

Isinuko ng tatlo ang isang M14 rifle na burado ang serial number at 10 bala nito, isang Thompson submachine gun at magazine na may 7 bala, isang Interdynamic submachine gun KG9 9mm Luger na may tatak na 810069 at magazine nito na may 13 bala.

Sa sunod-sunod na pagsuko at lumalakas na suporta ng mamamayan at pakikipagtulungan ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan, idiniin ni Major General Laurence Mina commander ng Isabela-based 5th Infantry Division ng Philippine Army, “naniniwala kami na ang laban kontra insurhensya ay mapapanalunan at ang tagumpay ay nalalapit na.”

Artemio A. Dumlao/ABN