Buti na lamang may Tokyo Olympic!!!

Daplis Walang Mintis

Sus maryusep…buti na lamang at sumingit sa Pandemya ang Tokyo Olympic. Pag nagkataon…baka lalo tayong kakalampagin ng maraming kababalaghan, takot, inis at pagka-temang. Kung bakit…yan ang ating tema at mga eksena ngayon:

Buti na lamang at may sports (Olimpiada sa Japan) na umagaw sa mga eksena ni Covid-19. Anu-ano ba kasi ang mga eksenang Covid 19? Una, bakuna. Ikalawa, bakunahan. Ikatlo, lockdown at ikaapat, ayuda. Tiyak na kahit nagdadatingan na ang mga donasyon at biniling mga
bakuna, tiyak na di pa rin nakakasapat ito para sa target na dapat mabakunahan sa ating bansa.

Agawan pa rin sa eksenang turukan ang mga gustong maturukan at mga ayaw pa ring maniwala sa bakuna. Tiyak na nariyan pa rin ang mga alingasngas ng palakasan kung sino-sino ang matuturukan bagama’t kandaugaga na ang NCR kung papano pabibilisin ang bakunahan ngayong nasa ECQ ulit sila sa dami ng kaso ng Covid-19 kasama na si Delta variant.

Sa kasalukuyan, pinoproblema na nila kung papano ang pondo ng mga ayuda sa mga epektado ng ECQ. Marami kasi ang mawawalan ng
hanapbuhay.

Natural, kakalam ulit ang sikmura ng maraming pamilya. Kung anu-ano na naman ang ilalabas na panuntunan sa lockdown ang tiyak na ibabalibag. At tiyak na may tensiyon dito dahil sa sino nga ba ang gustong magutom kung muling magkakahigpitan? Buti na lamang sumingit ang mga isyu ng Tokyo Olympic kung saan nagpapakitang-gilas ang ating mga atleta.

Kamakailan, nasungkit nga ni Hidilyn Diaz ang kaunaunahang medalyang ginto sa weightlifting. Nagbunyi ang bansa. Pansamantala tayong naibsan ng tensiyon kay Covid-19. Kung di lang sa mga health protocol sa pandemya, baka nagyakapan ang taumbayan sa pagbubunyi.

Kasi nga, hindi lang si Hidilyn ang nagpakitang gilas kungdi marami pang atletang Pinoy ang nagpamalas ng galing para makapag-uwi rin
ng karangalan sa bansa sa pamamagitan ng medalya. May mga atletang nakakupo ng bronze, silver at patuloy pang lalaban para sa gintong medalya.

Sa ngayon, nagbubunyi ang bansa sa silver medal na nakuha at iuuwi rin ni Nesthy Petecio sa larangan ng women’s boxing. At gaya ni Diaz, may naghihintay ding pagkilala kay Nesthy. Sa ating pagkakaalam, siya ay makakatanggap ng P17 milyong peso at condo unit at iba pa.

Ang mga mag-uuwi naman ng bronze medal ay tatanggap ng pitong milyong cash at iba pa. Mabuhay mga atletang Pinoy pati na ang mga talunan na nangakong lalaban muli sa mga susunod na patorneo sa daigdig.

Katunayan…hindi lang sa sports nagpapakita ng gilas ang ating bansa, maski na sa timpalak-pagandahan. Good luck sa ating mga kandidata. Buti na lang may mga patimpalak at sports events na ganito, kung hindi, lalamunin na tayo ng mga tsismis at patutsada-pampulitika.

Pero teka, pards…may nasagap ang Daplis na pinatigil ang bakunahan sa ilang lugar sa NCR dahil sa paglabag sa social distancing. Marami talaga ang pasaway. Mag-uwi tayo ng karangalan hindi kahihiyan at katigasan ng ulo.

Buti na lamang may Tokyo Olympic at pansamantalang natabunan ang mga iringan o pasaringan o paepalan sa pulitika. Pansamantalang nakiangkas muna ang mga pulitiko sa sports at may kanya-kanya ding hatak upang pilit pa ring umepal.

Sige, hayaan na natin silang umarangkada basta’t ang kapakanan ng ating bayan ang ratsada hindi sa sariling kamada. Buti na lamang at may Tokyo Olympic at tiyak na kasama tayong lahat sa karangalang iuuwi ng ating mga magigiting na atleta.

Ang malaking katanungan ay ire: mga limpak kayang mga pabuya mula sa gobyerno at pribadong hanay ay mapapasakamay sa mga nagwagi? Hanggang kailan? Hindi raw kaya drawing ito? Sana huwag naman.

Kasi katunayan, yang mga atletang dangal ng bayan ay hindi titigil na lalaban sa larangan ng sports o palakasan. Sasabak pa rin sila sa mga darating na torneo. Kaya dapat lang na ito ang tingnan ng ating gobyerno upang sila’y maalalayan lalo sa pinansiyal.

Buti na lamang may Tokyo Olympic at namulat tayo sa ating mga pagkukulang. Salamat sa ating mga dasal ng pagkakaisa at suporta sa ating mga atleta. Bulong: sana laging may torneo at medalya upang kahit saglit ay maibsan tayo ng alalahanin kay Covid-19.

Sana marami pang Hidilyn, Petecio, Paalam, Marcial at iba pa ang magsasalba sa ating kaba sa pandemyang ito. Mabuhay tayong lahat, mga kabayan. Adios mi amor, ciao, mabalos!