Buwan ng Wikang Pambansa 2018, “Filipino: Wika ng Saliksik”

“Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda; kaya ating pagyamaning kusa, gaya ng inang sa atin ay nagpala.” Ito ang tanyag na katagang nagmula sa ating pambansang bayani na si Gat. Jose Rizal na nagbibigay kahalagahan sa wika sa buhay ng isang tao. Isang inspirasyonal na kataga at kapupulutan ng aral tungkol sa pagpapahalaga ng wika. Hindi tinalikuran ni Rizal ang kaniyang inang-bayan at pinahalagahan ang wikang Tagalog na isa sa pinakamalimit gamitin ng ating mga ninuno kahit pa marami siyang alam na wika noon.
Ang pagkakaroon ng iisang wika ay nangangahulugang nagkakaisa ang mga mamamayan at nagkakaintindihan ang lahat para sa iisang hangarin. Dahil kung hindi pinahalagahan noon na magkaroon ng pambansang wika ay hindi magkakaintindihan at magulo ang pakikipag-komunikasyon at talastasan. Hindi magiging maayos ang buhay kung iba’t ibang wikang etniko ang dapat nating isaulo. Kaya noon, pinahalagahan ni dating Pangulong Manuel Quezon na magkaroon ng iisang lengguwahe upang magkaisa at maipakita sa buong mundo na kung may iisang wika na ginagamit ang isang bansa, nagkakaisa sa iisang hangarin ang mga tao nito. Kaya itinanghal nating ‘Ama ng Wikang Pambansa’ si Quezon dahil sa kanyang natatanging limbag sa wika’t panitikan.
Ang Buwan ng Wika ay isang taunang selebrasyon ng mga Filipino bilang pambansa at malawakang binibigkas na lengguwahe sa Pilipinas. Sa pangunguna ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ito ay isang-buwan na paggunita mula Agosto 1-30 sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa bisa ng Presidential Proclamation No. 1041, series of 1997.
Sa loob ng buwan ng Agosto ay iba’t ibang aktibidad gaya ng sabay-sabay na pagbigkas, poetry, pagsusulat ng sanaysay, paglikha ng slogan, at iba pang pagtatanghal ang isasagawa. Kaya ang Buwan ng Wika ay higit pa sa isang selebrasyon at pagsulong ng Filipino. Itinatampok din nito ang pagtangkilik sa mayamang cultural diversity ng bansa gayundin ang pagtutulungan ng mga ahensiya ng gobyerno at pribadong sektor para sa language identity at civic awareness. Gayundin ay udyukan ang maraming Filipino na tangkilikin ang wikang pambansa sa pamamagitan ng aktibong pakikibahagi sa iba’t ibang aktibidad na may kaugnayan sa Buwan ng Wika.
Filipino: Wika ng Saliksik” ang tema sa taong ito na kumikilala sa wikang Filipino bilang midyum sa paglikha at pagpapalaganap ng pambansang karunungan at kaunlaran. Sa pamamagitan ng tema, layon ng KWF na palaganapin ang wikang Filipino sa iba’t ibang larangan ng karunungan, lalo na sa agham at matematika.
Ang 1987 Konstitusyon ng Pilipinas at Executive Order 335 ng 1988 ay kapwa nagsusulong sa paggamit ng wikang Filipino. Suportado rin ng kautusan ayon sa probisyon ng konstitusyon na hikayatin ang lahat ng sangay ng gobyerno na palawigin ang paggamit ng Filipino sa mga opisyal na transaksiyon, komunikasyon, at korespondente.
Ang paggamit ng lengwaheng Filipino sa pagsasaliksik ay nananatiling hamon subalit sa mga pangako ng mga cultural workers ng gobyerno, pakikipagtulungan ng mga ahensiya at mga tagasulong nito ay makakamit ang minimithing kaunlaran ng wikang Filipino bilang midyum sa pagsasaliksik.                                                                                                                      PMCJr.

Amianan Balita Ngayon