Carless city hall, susubukan sa Lunes

LUNGSOD NG BAGUIO – Bilang pagsusuri kung makakaya ngang ipatupad ang pagkakaroon ng carless day ay iminungkahi ng Sangguniang Panlungsod na subukan ito sa Lunes, Hulyo 9, 2018, para sa buong paligid ng city hall.
Inaasahan na sa trial implementation ay walang anumang pribado o pampublikong sasakyan ang makikitang nakaparada sa paligid ng Baguio City Hall. Iginiit pa ng konseho na ipapatupad ito sa lahat ng empleyado ng gobyerno na nagtatrabaho sa city hall at sa mga indibidwal na may transaksyon sa city hall sa naturang araw.
Ang mungkahing ordinansa sa pagkakaroon ng Carless Friday sa lungsod ay iniakda ni Councilor Elaine Sembrano.
Ngunit sa mungkahi ni Councilor Mylen Yaranon, ang trial implementation ng mungkahing ordinansa ay ginawang Lunes.
Katwiran ni Yaranon, karamihan sa mga konsehal ay halos wala sa city hall tuwing Biyernes kaya mas maigi kung ipatupad ang carless day sa Lunes kung kailan inaasahan na magiging abala ang lahat ng tanggapan sa city council at papasok ang karamihan ng mga empleyado nito. Aniya, ito ay upang maobserbahan nang maigi kung magiging matagumpay ang carless day.
Ipagbabawal ang pagamit ng mga pribadong sasakyan at mga pampublikong sasakyan na pumarada sa city hall parking areas. Ipagbabawal din ng mga security guards na pumasok ang mga sasakyan sa city hall maliban lang sa mga sasakyang ginagamit kapag may emergency.
Dagdag pa ng mga konsehal na kung ang University of the Philippines-Baguio (UPB) ay matagumpay na nagagawa ang Carless Wednesday Campaign, sisimulan din  ng mga opisyal ng gobyerno sa city hall at oobserbahan kung makakatulong ito sa siyudad bago tuluyang ipatupad.
Ang naturang mungkahing ordinansa ay buhat sa Resolution 381-2008 na nagdedeklara na maging carless ang Biyernes kada linggo sa lungsod ng Baguio kasabay ng Community Service Day at bilang pakikiisa sa Philippine Environmental Programs at clean-up drive ng lungsod. JEZZA MAEH NAGAYOS, UC INTERN

Latest News

Amianan Balita Ngayon