CBAO nagpaalala sa building owners na kumuha ng permit

Hinihimok ng City Buildings and Architecture Office (CBAO) ang building owners na kumuha ng building permits upang masiguro na matibay ang maipapatayong gusali.
Ayon kay Engineer Nazita F. Bañez, namumuno sa CBAO, ito ay upang masuri ng CBAO ang mga construction materials na gagamitin sa pagpapatayo ng gusali.
Aniya, ang mga building owners na mayroon nang building at occupancy permits na siguradong sumunod sa probisyon ng national building code ay masasabing matibay ang gusali habang ang walang kaukulang permit ay walang kasiguruhan sa kaligtasan sa gagawing konstrukyon. Maliban na lamang kung kukuha sila ng kanilang sariling inhinyero o arkitekto habang isinasagawa ang konstruksyon kahit wala na silang building permits, ani Bañez.
Sa madaling salita, ang mga nabigyan ng occupancy permit para sa kanilang gusali ay sinisiguro ng CBAO na sumunod sa standard ayon sa national building code, paliwanag ni Bañez.
Aniya, hindi lamang ang lokasyon o pagtatayuan ng gusali ang sinusuri ng CBAO kundi pati ang mga materyales na gagamitin, ang kalagayan at paraan ng pagpapatayo ng gusali.
Alinsunod din ito sa pinaigting na pagpapatupad ng Zoning Ordinance ng lungsod na nag-aatas sa wastong gusaling ipapatayo sa bawat lugar sa lungsod. Nililimitahan din ng naturang ordinansa ang taas ng mga gusaling maaaring ipatayo.
Batay sa ordinansa, para sa mga itinuturing na high density residential at commercial areas, ang taas ng mga gusali ay hanggang walong palapag lamang mula sa road level.
Ayon sa CBAO, pinapayagan ang pagkakaroon ng kahit ilang basements sa isang partikular na slope basta ito ay sumailalim sa soil test at pumasa sa engineering methodology test. MARK JASON SELGA, UC Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon