CCTV inilagay sa eskinita kung saan pinatay ang isang estudyante

Headlines

LUNGSOD NG BAGUIO – Malungkot man isipin subalit kailangang tanggapin na kung minsan ang mga elected officials at ang mga kapulisan ay saka lang gagawa ng aksyon sa mga krimen at insidente ay kung kailan many nangyari na gaya ngayong nagdesisyon ang tanggapan ng Association of Barangay Councils sa pangunguna ni ABC Chairman Michael Lawana na maglagay ng close circuit television (CCTV) sa eskinita kung saan walang awang pinagsasaksak ang isang 16 anyos na estudyante ng Pines City National High School sa Labsan-Kayang extension street.

Ito ay napag-alaman sa pakikipag-pulong ng mga opisyal ng Kayang-Labsan na kailangan nang lagyan ng CCTV at karagdagang barangay tanod sa nasabing lugar upang maiwasang maulit ang nasabing trahedya.

Sa naunang report, sinabi ni Lawana na ang pondo ay isusumite sa gagawing budget sa darating na taong 2017 na pondo ng ABC.

Hindi lang ito ang unang krimen na naganap sa nasabing lugar. Maging noong mga nakaraang taon ay may mga naiulat na pangingikil at panghoholdap ng mga di nakikilalalng kalalakihan sa mga estudyante subalit ito ay hindi nagagawan ng solusyon at ipinagwawalang bahala lamang ng mga opisyal ng barangay.

Kulang din sa police visibility ang nasabing lugar. Ayon sa mga residente, bihirang puntahan ng mga pulis ang lugar.

Samantala, sa isinagawang meeting ni Lawana, hiningi niya sa mga opisyal ng barangay na isumite sa kanyang tanggapan ang kanilang “peace and order plans o program” ito ay upang mabalangkas ang pangangailangan at tulong na gagawin ng kanyang tanggapan.

Matatandaan na ang city government of Baguio sa pangunguna ni Mayor Mauricio Domogan at ang Guardians Reform Advocacy for Cooperation and Economic Prosperity Inc. (GRACE-Guardian) sa pangunguna ni dating Police General Isagani Nerez ay naglaan ng P150,000 pabuya sa sinumang makakapagturo sa pagkakakilanlan ng suspek.

Sa ngayon ay wala pa ring resulta ang mga kapulisan ng Baguio sa nasabing kaso. TFP / ABN