Concert para sa drug surrenderers, matagumpay

LA TRINIDAD, BENGUET – Nagpakitang gilas sa pag-awit ang mga drug surrenderers at kombo na binubuo ng kapulisan ng La Trinidad sa isang concert for a cause sa municipal gym noong Pebrero 11, 2017.
Ang naturang concert na may temang “Unity for a change, kasangga sa pagbabago” ay pinagtulungang binuo ng municipal police at lokal na pamahalaan upang makatulong na suportahan ang mga pangangailangan ng drug surrenderers.
Ayon kay Police Chief Inspector Benson Macli-ing, hepe ng La Trinidad Municipal Police Station (LTMPS), 236 ang bilang ng mga makikinabang sa concert na ito.
Isa sa mga pagpupundaran ng nakalap na pondo mula sa concert ay mga kagamitan para sa acupuncture sessions ng mga surrenderers tulad ng karayom.
Dagdag ni Macli-ing, isang bahagi ng malilikom ay gagamitin sa mga programang kinabibilangan ng faith-based community, detoxification at orientation kung paano maiiwasan ang iligal na droga.
Layunin ng mga programang ito na tulungan ang mga drug surrenderers upang hindi na bumalik pa ang mga ito sa paggamit o pagbebenta ng iligal na droga. Melanie Z. Dela Cruz, UB Intern

Latest News

Amianan Balita Ngayon