COVID-19 vaccine solusyon nga bas a pandemya? Ito nga ba ay away ng mga pharmaceutical?

Tapik ni Tonying

Sa pagdating ng Sinovac ang tinaguriang bakuna kontra sa Covid-19 virus sa bansa na kung saan ay ipinamudmod na ito sa iba’tibang probinsya at mga syudad ay nagkaroon ng mga iba’t-ibang kaisipan at kuru-kuro at maging haka-haka.

Ang iba ay ayaw nilang magpabakuna sa paniniwalang may masamang epekto ito sa kanilang katawan ang iba naman ay gustong magpabakuna upang makaiwas sa virus ng Covid-19. Subalit ang tanong gaano ba ito kaligtas na gamitin? Sino ang hindi dapat magpabakuna at sino ang maaring magpabakuna?

Sa Benguet ay may1,100 na vials ng Covid-19 vaccine ang dumating na personal pang inihatid ni Dr. Amelita Pangilinan, Assistant Regional Director ng DOH-CAR sa mga health personnel ng BenguetGeneral Hospital na pinangungunahan ni Dr. Mediarazon Dulay, acting hospital chief.

Ayon sa mga doctor sa Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC) ang Sinovac vaccine ay safe raw na gamitin at ito raw ang ginamit ng mga doctor na pinangunahan ni Dr.Ricardo Runez Jr. at ng iba pang mga health frontliners sa BGHMC.

Pinangunahan ni Dok Runez ang pagpapabakuna na aniya ito ay pagpapakita ng tiwala sa Sinovac na vaccine at upang magbigay ng inspiration sa mga taga-Baguio upang hindi matakot sa pagpapabakuna.

Oo nga naman, kung talagang maari kang pagpabakuna aba’y gawin mo na, upang hindi ka na mangamba na magkaroon ng covid-19 virus. Sa sampung tao na aking nakausap nitong mga nakaraang araw ay tinanong ko sila kung payag ba silang magpabakuna gamit ang Sinovac, Pfizer at Moderna?

Unang sumagot ay isang 67 years old na lalaki at ang sabi payag siya ngunit dapat aniya ay magkaroon muna ng assessment sa mga taong magpapabakuna, kung sila ay malakas at walang nararamdamang sakit, allergy o iba pang sakit ng isang tao. Sagot naman ng isang 48 anyos na babae willing siya upang hindi na raw siya magkaroon ng Covid-19.

Halos sa sampung tao na aking nakausap ay 6 ang willing magpabakuna, 3 ang ayaw at isa ay nag-aatubili pa. Maaring ang iba ay natatakot dahil sa mga kwento ng kanilang kapitbahay na deLikado ang magpabakuna, dahil sa maaaring idulot na masamang side effect nito sa isang tao. Marami kasi ang lumalabas sa mga “social media”, na sa ibang bansa ay may epektong masama ang mga vaccine na ginamit sa mga tao, ang iba ay namatay di-umano, ang iba naman at nabaldado.

Kaya hindi mo maaaring masisi ang mga Pinoy kung bakit ang iba ay nagdadalawang-isip na ayaw magpabakuna. Tanong nga sa akin e “makukulong ba tayo kung hindi tayo magpapabakuna?” Agad na sagot ko ay hindi naman obligado ang mga tao na magpabakuna, ito ay nasa sa iyo kung gusto mo o hindi dahil walang batas na nagsasaad na maaring makulong ang taong hindi magpapabakuna.

Sa ganang akin lang, mga kababayan ay harinawa na maging ligtas ang mga bakuna na gagamitin sa mga Pilipino upang muling sumigla ang mamamayan at ang ating bansa. Lugmok na sa kahirapan ang mga tao, except yung may mga pondong kayamanan, maraming nagutom at naglabasan ang ibat-ibang raket at mga krimen. Sana nga maging solusyon ang vaccine upang wakasan na ang pandemyang ito.

Tabi-tabi lang po, sa Iloko ay bari-bari apo! May nakalap akong kuru-kuro at haka-haka mula sa tambayan ng mga “seniors” sa Volante Café na mukhang ang nagaganap na kompetisyon sa bakuna (vaccine) sa Covid-19 ay parang nag-aaway di umano ang mga pharmaceutical at nagpapagalingan kung sino sa kanila ang mas epektibo.

At tila ba parang pinaglalaruan ang buong mundo ng mga ito na kung saan ay gagawa ng sakit at gagawa ng vaccine o antidote sa mga sakit na kanila ring ginawa . At sa darating na Marso 17 , 2021 ay isang taon na tayo sa ilalim ng pandemya na gawa ng Covid-19. Huwag tayong mawawalan ng pag-asa kapit pa rin sa Diyos, sa Langit na tuluytuloy nang magamot ang sangkatauhan…