COVID… Marami ang NaLockdown!

Mariasantisima! Yan ang kadalasang ingay at bangungot ng mga di na makatiis sa pagsulpot ng sinasabing “new normal”….o sa mas mababaw na termino – “bagong umaga”. Ito ang ibinunga ng sala-salabat at halos dikit-dikit na mga lugal na na-lock down. Bakit? Kasi nga..ayon sa mga eksperto sa isyung lock down….lantaran itong pagsasara upang walang makalabas at wala ring makapasok.

Sa mas malinaw at praktikal na katuturan: kuarantina o kulong ka muna. Sa mas mababaw pang terminolohiya: para tayong “nakabartolina” kahit walang rehas na bakal. Malinaw na ba si Mr. Lock Down, pards? Sige, usad na tayo sa kung ano-anong mga bunga ng LOCK DOWN sa ating lipunan at buhay?

*****
Marami ang pabor sa lock down lalo na sa mga pamilyang halos di nagkikita at halos di makapag-usap sa maghapon. Dahil sa lock down…sama-sama na sila sa sayahan at ngitngitan maghapon. Nagkakahuntahan na ang mga miyembro ng pamilya na hindi nangyayari noong wala pang Covid at lock down.

Ang pangamba lang, ika ng mga mapaghinala: baka raw lulubo naman ang ating papulasyon. Bakit? Natural kasi laging nagkakalapit ang mga nagmamahalan. Kapag umiinit daw ang gitgitan, nagkakaroon ng “friction” o pag-iinit ng bawat eksena…at siyempre, ano pa ang susunod?

Pero teka, sabi naman ng mga kontrabida … papano maproproduce ang “friction” ng dalawang maiinit kung nasa bahay lahat ang mga miyembro ng pamilya na nagleletanyang mabigyan ng ayuda?

May punto ka, pards. Pero kung makalingat daw ang guwardiya-sibil, makakapuslit ang mga nagiinit. In short, iisa lang ang solusyon: pagtitimpi at pagsunod sa “distancing”.

Tiisin raw muna ang “romansa” dahil mapait daw ito kung kumakalam naman ang sikmura.
******
Kaya nga namigay na ang D.A. ng libreng mga binhi upang may maitatanim. Sa mga wala raw mapagtamnan, maraming remedyo ang puwedeng gawin. Maari daw magtanim sa paso o mgabagay na puwedeng ibitin sakaling walang espasyo o patungan.

Meron na ngayong teknolohiya na kahit walang lupa, puwedeng makapagtanim sa pamamagitan lang ng tubig. Maparaan ang mga Pinoy, gaya ng ginagawa ng ilan na kahit illegal ay nakakagawa sila ng paraan upang “mangurakot” di ba? Tsk tsk..nakakalungkot maungkat ito, pero nangyayari na.

Katunayan, tiniyak ng DILG na sa dami ng mga tinatanggap na reklamo kontra sa mga tiwaling mga lokal na opisyal …marami ang maiimbestigahan at maaring mapaparusahan.

Ito nga ang masakit, eh…isusubo na lang ng mga naghihirap, haharangin pa ng mga mapagsamantalang buwaya.

Yan ang mga taong dapat “ibartolina” ng habam-buhay.

******
Sa lock down, bawal lumabas kung hindi kinakailangan. May pahintulot naman ang pamahalaan sa bagay na ito. Kaya lang, marami ang pasaway. Kahit walang importanteng gagawin, lumalabas upang tumambay.

Yong iba naman ay upang maglamiyerda na parang hindi panahon ng Covid-19. May mga tao kasing tratrangkasuhin kapag hindi nahasa ang paa, mata, teynga at higit sa lahat ang kanilang mga dila. Siguro totoo ang sabi nila: nakakamatay daw ang tsismis. Sabi nga ng mga mahilig, kaya daw nilang manghiram ng “kuto” upang may mailagay lang sa kanilang ulo para may dahilang magpakuto sa kapitbahay.

Pero kahit pa siguro i-lock down mo ang reyna ng “lisa”…tatakas yan at hahanap ng mga prinsesa ng “kuto” kahit pa saan. Yan ang praktikal na paliwanag sa mga nagaganap ngayon na kahit mahigpit ang ECQ at GCQ…marami pa ring nahuhuling pasaway.

Bulong nga ng mga maiikli ang sintron: tamaan na lang sana ang mga pasaway ng Corona virus baka magtanda. Walang masama kundi ikakabuti ng lahat ang pagsunod sa tuntunin. Intiende? Amen. Adios mi amor, ciao, mabalos

Daplis Walang Mintis

Amianan Balita Ngayon