COVID, NAGSPIKE NANAMAN

MUKHANG NAGING pabaya na naman tayong madlang pipol. Sa latest update ni MBBM, nakapagtala noong Webes ng 36 na bagong naimpeksyon ni covid. Gayung mababa ito kumpara sa pananalasa ni Delta noong Oktubre 2021, nakakabahala pa rin ang 36 na bilang ng mga nahawahan. Nitong mga huling araw ng paglilista, halos buong buwan ng Oktubre, hindi pumalo sa lampas 20 ang bilang ng mga bagong impeksyon. Dumaan lamang ang simula ng Nobyembre, eto, biglang sumipa ang bilang sa isang araw
na hawahan. Biglang lomobo sa 36.

Ang nakakabahala, kapansin-pansin na halos karamihan ng mga nasa labas o loob na setting ay naka-face mask pa rin. Kung ganun, bakit dito sa Baguio, biglang sumipa ng pataas ang mga naimpeksyon.
Galugarin anumang araw ang paligid natin. Hindi katakataka na ang nai-mandato na boluntaryo o opsyonal na ang gamit ng face mask, sa labas o loob man, ay tila labas-masok sa tenga. Ibig sabihin,
proteksyon pa rin ang pangunahing dahilan ng paggamit ng face mask.

Sariling desisyon ang nangingibabaw. At sa mga tigas-ulo, tingnan natin kung hanggang saan pupulutin ang mga tinamanang lintik na sumusuway sa mga protocol ng kaligtasan. Bakunado man o hindi, kailangan pa ring maging masunurin tayo sa mga patakaran. Ngayong opsyonal ang face mask, hindi malayong isunod na ang pag-walis sa alituntunin ng social distancing. Sa aking mismong sariling
karanasan, halos 8 sa bawat sampung tao na ating nakikita ay nakasuot pa rin ng face mask.

Ngayong merong bagong spike na maituturing, eto na naman tayo, puno ng pangamba dahil anumang
araw ay baka alisin ng lahat ang mga safety practices na lampas 2 taon din nating binuno. Dito tayo nababahala. Ating hinalughog ang mga naunang pahayag ng mga eksperto noong bagong pa lamang manalasa ang pandemya, at tuwiran nilang isinasaad ang saloobin na hindi pa panahon upang tuluyang
iwaksi ang gamit ng face mask.

Uulitin natin ang sabi nga ng isang nakaaalam, “Ang halaga ng pag-gamit ng face mask sa mga nasa loob ng gusali at establisyemento ay hindi matatawaran, lalo na patuloy ang paghasik ng takot at lagim ang virus sa ating paligid. Halos nasa 85% ang proteksyong ibinibigay sa face mask user kapag nasa indoor
setting.” Ito ba ay isasantabi na lamang, matugunan lang ang panawagan ng pagluluwag sa mga sektor ng ekonomiya na tila gaya-gaya puto-maya sa mga karanasan sa ibang karatig bansa?”

Hindi nga natin maunawaan kung bakit merongmga opisyal na hindi naman mga health experts at infectious disease specialists ang pinagpipilitang iwaksi na ang gamit ng face mask. Anila, kung sa mga karatig bansa ay wala ng gumagamit ng face mask, at tuluyan ng normal ang takbo ng kanilang ekonomiya, eh bakit pahuhuli pa ang Pilipinas? Me tawag dyan: gaya-gaya, puto-maya!

Hindi kataka-taka na manghilakbot ang mga health experts – silang mga nakipaglaban sa covid-19, silang nasa frontline ng laban, at hindi inalintana ang panganib na mahawaan kapag kanilang inaasikaso ang mga pasyenteng nahawaan ng virus. Ano nga ba ang ipinagmamadali na halos hatakin ang madlang pipol na isantabi na ang mga health protocol na tried and tested naman? Balikan natin ang vaccination rate sa
kasalukuyan.

Hindi ba’t halos nasa 85% na ang mga dumaan sa 2-dosage vaccination na halos 4 na buwan ang pagitan? Ang parting ito ng usapan ang dapat tingnang maige. Ang 85% na vaccinated populasyon ay
doon lamang sa mga target population sektor. Ibig sabihin, hindi ang suma total ng lahat ng Pilipino. Hanggang ngayon nga ay ikinakampanya pa na ang natitirang bilang ng mga bakunado, mga 15% of target sector, ay dapat mabakunahan na.

Sa mga boostered up naman, yong mga sektor na ating pinangangalagaan ng husto, ang mga katandaan at mga indibidwal na mayroong comorbidity (o dating sakit na iniinda) ay lumalabas na nasa 40% ang nabigyan nan g first booster shot, at ang second booster ay hindi pa umaabot ng 20%. Kung ganito ang
kundisyon ng bakunahan, bakit mamadaliin ang pag-alis ng mandato na kailangang nakaface mask ang madlang pipol kapag nasa labas at maging pag nasa loob ng gusali? Nitong mga nakaraang 3 buwan, ating ginawang opsyonal ang face mask use, ngunit kahit anong oras at araw, mabibilang lamang
ang non-face mask user.

Ibig sabihin, self-discipline ang pinaiiral ang karamihan. Kanilang ng sinusunod ang kaugalian ng face mask use samantalang wala pang opisyal na deklarasyon na nagapi, nasupil, at bagsak na si covid- 19.
Uulitin ko ang aking sariling pananaw: nasa ating mga kamay (na syang gagawa ng aksyon para iwaksi ang face mask use) ang dapat na sundin. Walang mawawala kung akuin natin ang reponsibilidad ng
anumang bagay tungkol sa ating kalusugan at kaligtasan.

Maaaring opsyon ang hindi pag-gamit ng face mask sa indoor setting, pero opsyon pa rin natin ang mag-desisyon na gamitin pa rin bilang pananggalang ang face mask. Sariling pag-iingat an gating panawagan kung ibig nating bilisan ang pag-angat sa kundisyong patuloy si covid sa kanyang bantang umiskor pa
ng buong tindi at bangis.

Amianan Balita Ngayon