COVID puno parin ng Kontrobersiya

Buwan na ang lumipas ngunit parang humihirit pa rin ang Covid-19 sa ating bansa. Kahit mas marami ang nabiktima nito sa ating mga kapitbahay na bansa…maituturing pa ring banta ito sa atin.

Ang bilang ng mga nagpositibo na ating kababayan ay isang patunay na malas na badya ito na maaring lumala pa.

Kaya ang malaking katanungan ay – kailan kaya ito matatapos? Ilan pang buhay ang kanyang kikitlin at mga tahanang wawasakin?

******
May isa pang tanong na hanggang sa ngayon ay hindi pa nahahanapan ng tamang sagot. Ito ang – saan ba talaga ito nagmula? Sa nakalipas na mga araw…may mga pahiwatig na ito raw ay galing sa hayup.

Meron ding pasaring ang isang bansa na ito raw ay galing diumano sa isang laboratory sa China. At marami pang hinala kung bakit sumulpot ang sakit na ito. Ang mabigat pa kamo…ala-ala ng marami ang mga kaganapan noong unang panahon na natala sa banal na aklat.

Wala raw pinag-iba ito sa delubyo noong panahon ni Noah…kung saan parang paghuhukom na ang naganap dahil sa kagagawan din ng tao.

Pero ano nga ba? Saan ba talaga nagmula ito? Kung galing sa sumablay na ekperimento, bakit hindi sila nakagawa agad ng panlaban dito? Sabi nga ng mga maurirat: bawat problema ay may sulosyon; sa bawat imbensiyon ay may katapat na sagot kung papalpak.

Dagdag pa ng mga magagaling manghula: bago pa man isagawa ang isang naplanong eksperimento, nauna nang nagawa ang mga pansagot sa ano mang ibubungang mali. E, bakit ngayon naghahanap pa sila ng solusyon? Ito ang malaking tanong na naghihintay ng sagot.
******
Sa mga ibinungang eksena nitong Covid-19…samut-sari na ang mga kaganapang nagsulputan. Una, nabigla rin ang kaban ng bayan dahil sa mga patong-patong na lockdown kung saan naparalisa ang ekonomya at kabuhayan ng mamamayan. Kaya puros remedyo ang ginawa ng pamahalaan upang maibsan kahit kaunti ang dulot na kahirapan ng marami lalo na sa mga apektado ng lockdown.

Walang magawa ang bayan kundi maghigpit ng sintron. Masakit man pero dapat tanggapin ang hagupit ng salot na ito sa ating lipunan.

Ang masakit, may mga nagsasamantala pa rin dahil marami na ang kumakapit sa patalim upang mabuhay. Ang masakit, ang sinasagpang ng mga buwitreng ito ay ang ilalaman sana ng tiyan ng mga naghihirap nating kababayan.

Sabi nga ng ilan: sila raw ay mga buwayang tulad ng corona virus na ang binibiktima ay sarili nilang kalahi. Patutsada nga ng mga galit : sana sila na ang tamaan ng Covid upang pagdusaan ang lisyang ginagawa.

Sa halip na tumulong, sila pa ang nagiging pabigat at mitsa ng kamatayan ng kinabukasan ng iba.

Sabagay, nag-iimbestiga na ang pamahalaan hinggil dito. Sana ay may mapaparusahan lalo na sa mga anomalya sa isyu ng ayuda. May bumulong nga: basta may pagkain at pera…dumarami ang nagsusulputang “suwapang” at “ganid” at “makakapal ang mukha at sikmura”.
******
Pasintabi po pero dahil sa dami ng mga reklamo at obserbasyon…. talagang nakakapagpainit ng ulo. Kaya nga’t nang magalit na si Pres. Duterte, nasabi niya tuloy na: “Baka sa Enero sa susunod na taon, may bakuna na tayo.

Kaya huwag muna kayong mamatay. Kung andiyan na si kamatayan, sabihin ninyo sa kanya na huwag ka munang kunin dahil hinihintay mo pa ang bakuna.” Ganyan ang buod ng mensahe ng pangulo na halatang banas na banas na sa nagaganap sa ating bansa dahil kay Covid-19.

E, pano naman kasi, sa halip na nakatuon tayo sa problemang ito ng corona virus, salasalabat pang mga problema ang sumasabay. Buti nga, hindi pa “napapanot” si Pres. Digong. He he…huwag…hindi bagay.

Adios mi amor, ciao, mabalos.

Daplis Walang Mintis

Amianan Balita Ngayon