Mariing kinukundena ng Anakbayan Cordillera ang tangkang “crackdown” ng rehimeng US-Duterte laban sa mga lehitimo at progresibong organisasyon ng mga mamamayan sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan. Ipinakikita ng hakbanging ito na may layuning busalan ang mga kritiko ang kahayukan ni Duterte sa kapangyarihan at sukdulang pantasyang sundan ang yapak ng iniidolo niyang si Marcos at ipasailalim ang bansa sa isa na namang diktadurya.
Sa isang talumpati, matapos ayunan at pagtibayin ni Duterte ang pagkaklasipika ng Estados Unidos sa Communist Party of the Philippines at New Peoples Army (CPP-NPA) bilang isang teroristang grupo sa sulsol ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ibinaba ng pangulo ang tangkang “crackdown” sa mga maka-kaliwang pangkat kabilang ang Anakbayan sa pagbibintang na nakikipagsabwatan ang mga ito sa mga rebelde. Sa pagbagsak ng usapang pangkapayapaan at pagkabigo ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) na pasukuin ang NPA, nakita ang insinseridad ng gobyerno na tugunan ang mga ugat ng digmaan, at ngayo’y pagbubuntunan ng lagim ang mga sibilyan at mamamayan.
Ang mga grupong ito ang nangunguna sa pagkundena sa mga pagpatay at abuso sa karapatang pantao ng rehimen sa ilalim ng Oplan Tokhang at Oplan Kapayapaan. Ang mga grupong ito rin ang puspusang pumupuna at lumalaban sa mga nagpapatuloy na neoliberal na atake sa paggawa at serbisyong panlipunan. Ang mga grupong ito rin ang masikhay na namumuno, sampu ng mga organisasyong masa sa mga pagawaan, enklabo, hasyenda, eskwelahan, komunidad, kabilang na ang mga komunidad ng mga pambansang minorya, upang sila ay tumindig laban sa imperyalistang pandarambong at pananamantala. Umaalingasaw ang kabulukan ng rehimeng US-Duterte sa pagtugis at paglibak sa mga tunay na nagtataguyod sa interes at kagalingan ng mamamayang Pilipino. Sa pagbaba ng atas na “crackdown”, hindi lamang mga rebolusyonaryo’t aktibista ang maaapektuhan, dobleng pahirap ang tiyak na mararanasan ng mga mamamayang lumalaban sa kanayunan. Tiyak na mananagana ang mga kaso ng pagpaslang, pagdakip, at pagyurak sa karapatang pantao.
Sa katunayan, wala pa mang “crackdown”, walampatid na ang bayolasyon sa karapatang pantao ng rehimen, pasimuno rito ang AFP, sa iba’t ibang panig ng bansa. Papalo na sa 100 ang mga pinatay na magsasaka. Hindi pa rin makauwi sa kanilang mga pamayanan ang mga kabataang Lumad dahil sa militarisasyon sa kanilang mga paaralan at pagbabantang pambobomba sa mga ito. Pinagdadakip ng mga militar ang siyam na aktibista sa Batangas sa pag-aakusang sila ay mga miyembro ng NPA.
Sa Kordilyera, kinasuhan kamakailan ng patung-patong na mga kaso ang limang kababaihang aktibista at community workers sa mga krimeng hindi nila ginawa. Kilala ang mga kinasuhan bilang mga mapagkalingang mga tagapaghatid ng mga serbisyo gaya ng pangkalusugan at pangkabuhayan sa mga pinakaliblib na baryo sa Kordilyera na hindi inaabot ng serbisyo ng gobyerno.
Tinatawagan ang lahat ng kabataan, kaisa ang iba pang mga sektor, na labanan ang tangka ng estado na busabusin ang mga karapatan ng mga mamamayan, maging mapagmatyag sa mga mapaniil na hakbangin ng gobyerno laban sa lehitimong pagkilos ng mga mamamayan. Hindi titiklop ang pambansang demokratikong kilusan sa pangunguna sa paggigiit ng mga karapatan at pagtatanggol sa kagalingan ng mga mamamayan sa harap ng papalalang mga pasistang atake, bagkus, ito ay lalong lalawak at lalakas.
ANAKBAYAN CORDILLERA / Nobyembre 21, 2017
November 25, 2017
November 25, 2017