Dahil sa maling asal, pangarap ay naputol

Ang labis na mga utos na nagpapakita ng pamimilit at iba pang di-makatuwirang gawa ay nagreresulta sa pagmamaltrato (hazing). Ito ay umuusbong dahil sa agresibong asal ng mga nagsasagawa nito na kalauna’y nagiging pamantayan sa halip na eksepsiyon.

Ang agresibong pag-uugali ay maaari pang maging di-makontrol kung may kaluwagan sa pamamahala at kontrol. Kapuwa nagbubunga ng negatibong epekto ang pagmamaltrato sa mga nagsasagawa at sa tumatanggap (biktima), at hindi nakakatulong sa anupaman sa positibong pag-unlad ng isang tao.

Sa likas at intensiyon ng pagmamaltrato ay nagdudulot ito ng pinsala sa pisikal at pag-iisip na humahamak at ipinapahiya ang isang tao na siyang nagiging dahilan ng nakakasirang epekto gaya ng galit, pang-aapi at pagkait.

Nagiging dahilan ang pagmamaltrato ng maraming pangaabuso at kamatayan at ang mga pangyayaring ito ay kalabisan sa isang sibilisadong lipunan at nagiging mas kahila-hilakbot at manhid kung ang mga pinagpipitagang mga opisyal, namumuno at alumni ay pinapahintulutan ang ganitong kaugalian at hindi tanggapin ang responsibilidad.

Ang pagkamatay ni 4th Class Cadet Darwin Dormitorio ay maaaring bunga ng isang “pangungursunada” dahil siya ay isang anak ng dating mataas na opisyal ng militar na nagtapos din sa PMA, bukod dito ay “apo” pa siya ni DILG Secretary Eduardo Ano – dating AFP Chief at alumni din ng PMA, gayundin malapit ang pamilya Dormitorio kay DND Secretary Delfin Lorenzana dating heneral at alumni ng PMA.

Ang kuwento ng nawawalang “combat shoes” at “pag-gastos ng allowance” ay maliit na bagay na ginawang malaking isyu ng mga kadeteng nagmaltrato sa kaniya upang marahil ay bigyan hustisya sa kanilang pagkastigo sa mas nakakababang kadete. Ipinakita ng pangyayari ang resulta ng isang pag-uugaling napapadala sa “bugso ng damdamin” dahil lamang sa may kinikimkim na galit o inggit sa katawan at higit sa lahat ay may nais patunayan sa sarili – gamit ang nakakataas na antas sa akademya.

Ang mas nakakalungkot dito ay hindi lamang buhay ni Darwin Dormitorio o ng mga nauna pang mga biktima ng pagmamaltrato ang nawala, naputol ang isang pangarap na makapagtapos sa primera klase na akademya at magkaroon ng karera at makapaglingkod sa bayan. Hindi lamang pangarap ni Darwin ang nawala, nadawit din ang kinabukasan ng mga kadeteng sangkot sa insidente at ilan ay napipintong makulong ng habang-buhay sa ilalim ng Republic Act 11053 o ang Anti-Hazing Law of 2018.

May ambag ang PMA sa mga insidente ng pagmamaltrato sa nakaraan at sa katunayan, ang kaso ni Dormitorio ay una sa nakalipas na 19 na taon ng mamatay ang kadeteng si Ace Bernabe Ekid noong 2000 at Edward Domingo noong 2001. Sa totoo lang ang mga insidente ng pagmamaltrato ay sobrang nakakalungkot at nakakapanlumo na maaari ding isang dahilan kung bakit may mga nabubukod na pagkukulang sa pagganap ng pamumuno sa serbisyong militar at pulisya.

Nagsagawa ang PMA at AFP ng malawakang pag-aaral sa pagmamaltrato (hazing) na humantong sa konklusiyon na ang pagmamaltrato (hazing) at paninindak (bullying) ay walang lugar sa pagsasanay ng pamumuno na naghahanda sa mga kadete para maging opisyal. Hindi ito nagbubunga ng isang dagdag-halagang salik sa pagpapa-unlad ng pamumuno at karakter bilang isang opisyal at maginoo.

Bagama’t isinasagawa sa PMA ang isang positibong role-modelling na naitatag sa pangunahing pilosopiya na sumusunod ang mga mas nakakababa dahil sa respeto at hindi sa takot na binigyan-diin na ang pamumuno ay nakasentro sa grupo at hindi nakasentro sa sarili, ay nalulusutan pa rin ang akademiya. Subalit sa role-modelling ay natutulungan ng mga nakakataas ang mas nakakababa na magtagumpay at ang pangkalahatang prinsipiyong ito ay
pinatitibay ang magandang asal, lumilikha ng buwelo sa isang positibong direksiyon at kalauna’y sisipain ang pagmamaltrato.

Sa gitna ng mga imbestigasyon ng iba’t-ibang grupo at ahensiya ay lumulutang na walang lehislaturang hakbang ang maaaring sumupil sa pagmamaltrato dahil kasing-luma na ito ng mga fraternities at sororities. Ito ay bunga ng likas na pagkatao upang makakuha ng kapangyarihan, nakikipagpaligsahan, magtatatag ng social network.

Hindi natin maaaring isabatas ang paguugali ng tao, bagkus ay maaari nating kontrolin sa pamamagitan ng edukasyon, mahigpit na pamamahala, at hubugin ang mga susunod na mga lider na walang kaisipan ng pagmamaltrato, paghihiganti at pagkamakasarili.

Sana ay wala ng susunod na mamamatay dahil sa pagmamaltrato, anuman ang dahilan, anuman ang estado sa buhay, maging sino ka man, wala na sanang mapuputol na pangarap dahil lamang sa maliit at walang kuwentang diskresiyon bunsod ng pansariling damdamin at pag-uugali.

PMCJr.

Amianan Balita Ngayon