Iba’t ibang uri at yugto ang pagiging isang ina. May kani-kaniyang istorya ng buhay at kapalaran, may masaya at may malungkot. Maliban sa mga inang nagluwal sa mga anak ay mayroon ding nag-ampon at mayroon namang ina-inahan na itinuring na tunay na anak ang kanilang mga alaga.
Sa bawat yugto ng pagiging ina ay may pagpapakasakit, paghihirap, paghihinagpis at pagsasakripisyo ngunit lahat ng ito ay nasusukluban ng pagmamahal sa mga anak. Sabi nga sa isang kanta, “nang isilang ka sa mundong ito, laking tuwa ng magulang mo… at ang iyong ina ang iyong ilaw…”. Siya ang nagpupuyat sa tuwing ikaw ay umiiyak sa lalim ng gabi at nagtitimpla ng gatas mo kapag ika’y gutom. Aligaga at impit ang pagluha niya kapag ikaw ay may karamdaman na hindi mo masabi at dinadaan mo lamang sa iyak. At habang ikaw ay lumalaki ay siya ang iyong gabay upang maging mabuting anak at responsableng mamamayan. Siya rin ang iyong unang guro na nagturo ng mga pangunahing usal na lumabas sa iyong bibig. Siya ang iyong tagapag-tanggol kahit pa wala ka na sa katuwiran. Siya ang taga-aliw tuwing ikaw ay nalulungkot at taga-angat sa bawat kabiguan mo. Siya ang taga-palakpak kapag ikaw ay nagwawagi sa kahit maliit na patimpalak o nakakuha ng mataas na marka sa paaralan. Siya ang pumapansin at sumasaway sa bawat tama o mali mong gawa. Siya ang iyong takbuhan kapag may problema ka at walang pagsidlan ang kaniyang tuwa sa bawat tagumpay mo.
Sabi pa sa kanta, “ngayon nga ay malaki ka na, naging matigas ang iyong ulo, nais mong maging malaya, ‘di man sila (magulang) payag ay walang magagawa…”. Dahil hindi mo man lang inisip na ang kanilang ginagawa ay para sa iyo at ‘di mo sila pinapansin kaya napariwara ang iyong landas. Tama, siya ang iyong ilaw mula pa nang isilang ka hanggang tumigas na ang iyong mga buto. Hindi siya nagsasawang mag-aruga anuman ang mangyari sa iyo, umulan ma’t bumagyo. Siya nga ang iyong guro, ilaw, taga-pagtanggol, gabay, kaibigan at higit sa lahat – dahil siya ang iyong INA.
Walang hinihinging kabayaran ang pagmamahal at pagmamalasakit ng isang ina kundi ang makitang nasa mabuting kalagayan ang kaniyang anak.
Bilang pagtanaw at pagbibigay pugay sa malaki at mahalagang papel na ginagampanan ng isang ina ay idineklara ang ikalawang linggo ng buwan ng Mayo ng bawat taon bilang “Mother’s Day”. Sa araw na ito kahit sa isang araw ay maramdaman ng bawat ina na nasa pedestal sila at itinuturing na isang reyna at malimutan sa isang sandali ang kanilang paghihirap at sakripisyo. Sa mga anak na hindi nakagawiang batiin ang kanilang ina ay maaaring gamitin na ang pagkakataong ito upang maiparamdam ninyo ang inyong pasasalamat at pagmamahal.
Ikaw, nabati mo na ba ng iyong ina? Happy Mother’s Day po sa lahat ng nanay! PMCJr.
May 12, 2018
May 12, 2018
November 30, 2024
November 23, 2024
November 17, 2024
November 9, 2024
November 1, 2024