Dalaga, ginulpi at ninakawan ng 4 na lalaki

Inireklamo ng isang 23 anyos na babaeng estudyante ang pagnanakaw at pambubugbog ng apat na lalaki, dakong 2:20 ng madaling araw ng Oktubre 31, 2017, sa Lower Session Road, Baguio City.
Kinilala ang apat na suspek na sina Joey Boy Taduan Quinto, 22, single, residente ng Upper Quezon Hill; Klivh Iram Dumangeng Abidal, 18, single, residente ng Lower Irisan Cypress; John Henry Vidal Lee, 18, single, residente ng Camdas Subdivision; at Rodel Soyosa Regonios, 18, single, residente ng P. Burgos, pawang sa lungsod ng Baguio. Habang ang biktima ay residente ng East Gibraltar, Baguio City.
Sa imbestigasyon ay napag-alaman na ang biktima at dalawang kaibigan nito ay kumain sa isang restobar malapit sa Baguio Cathedral sa Session Road at bumaba sa PNB ATM machine kung saan tinignan ng biktima ang balanse sa kanyang ATM card. Naghihintay na ng taxi ang biktima nang nakita ang mga suspek na nagmula sa Lower Mabini Street at papalapit sa kinaroroonan niya.
Tumatawid ang mga suspek sa pedestrian lane nang tumawid din ang dalawang kasama ng biktima. Nagpang-abot ang parehong panig sa gitna ng kalsada kung saan nagsagutan ang mga ito. Sinundan ng mga suspek ang dalawang kasama ng biktima patungo sa kinaroroonan nito at nagkaroon ng komosyon. Pinagtulungan ng mga suspek na binugbog ang biktima at dalawa nitong kaibigan.
Hinawakan ng mga suspek ang kamay ng biktima at kinuha ang leather wallet nito na naglalaman ng dalawang ATM cards at cash na tinatayang nasa P8,300 bago tumakbo patungo sa Upper Mabini Street.
Humingi ng tulong aang biktima sa pulis ng Precinct 3 ng Station 7 ng BCPO. Agad na hinalughog ng mga pulis ang lugar at naaresto ang mga suspek sa T. Alonzo Street.

Amianan Balita Ngayon