Dalawa lang ang trade fairs sa Panagbenga – mayor

Ang Baguio Blooms at Session Road in Bloom, parehong tradisyonal na aktibidad ng Baguio Flower Festival, ang mga papayagang trade fair sa gaganaping ika-24 na Panagbenga sa Pebrero.
Ito ang inihayag ni Mayor Mauricio Domogan bilang tugon sa tanong kung may iba pang trade fair na papayagan sa naturang okasyon.
Isang pulong ang naitakda para sa mga gaganaping aktibidad sa Panagbenga ngayong linggo, sabi ng mayor, upang pag-usapan pa ang mga probisyon ng trade fair.
Ang Baguio Blooms, dating Market Encounter, ay isasagawa mula Pebrero 1 hanggang Marso 10 sa Juan Luna drive, habang ang Session Road in Bloom ay sa Marso 4 hanggang 10. Ang dalawang trade fair ay nag-aalok ng produktong “flower-inspired”, ornamental plants, landscape at garden displays.
Noong nakaraang taon, ang Association of Barangay Captains (ABC) ay nabigyan ng booth sa Juan Luna Drive extension habang ang Philippine Councilors’ League (PCL) ay may booth sa lower Session Road.
Samantala, sinabi ng mayor na hihigpitan ang ipapatupad na seguridad para sa libo-libong inaasahang bisita na dadagsa sa lungsod. Ang mga tauhan ng Police Regional Office (PRO-CAR), Baguio City Police Office (BCPO) ay magtutulungan upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan kasama ang volunteers, ani Domogan.
Ngayon pa lamang ay pinagsasabihan na ng mayor ang mga pulitiko na nagbabalak sumama sa streetdancing parade sa Marso 2 na sumunod sa regulasyon ng Baguio Flower Festival Foundation Inc. Hindi dapat umalis ang mga ito sa kani-kanilang linya upang makapangampanya sa publiko o magpamigay ng mga materyales sa pangangampanya at anumang goodies. Bawal din ang paglalagay ng anumang campaign materials sa mga dadaanan ng parada.
J.G.FIANZA/ABN

Amianan Balita Ngayon