Dalawang ama, nagbigti

CAMP DANGWA, BENGUET – Isang drayber at farmer ang parehong nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili, sa magkahiwalay na lugar sa Baguio City at Kapangan, Benguet, ayon sa ulat ng Police Regional Office-Cordillera.
Ayon kay Superintendent Carol Lacuata, regional information officer, ang walang-buhay na si Pedro Dulay Runas Jr., 51, jeepney driver, ay natagpuang nakabigti dakong 10 ng umaga ng Martes (Oktubre 17) sa  2nd floor basement, Central Fairview, Baguio City, samantalang si Charlie Pawil Agdawi, 57, farmer, ng Longilong, Datakan, Kapangan, Benguet, ay natagpuan ng kanyang asawa na nakabigti sa kanilang shanty sa bukid.
Sa imbestigasyon ng Police Station 1 ng Baguio City Police Office, si Runas ay nakita ng kapitbahay na si Ulysses Gumpad Mendoza na nakabigti gamit ang electric cord sa ilalim ng concrete beam na may bakal.
Agad na ipinaalam ni Mendoza sa anak ng biktima na si Valerie, na noon ay ilang oras nang hinahanap ang ama para maghatid ng kapatid sa paaralan. Aniya, posibleng naging dahilan ng ama ay ang hindi nito matanggap na planong hiwalayan siya ng ina na malimit nilang pinag-aawayan ay ang bisyo ng biktima.
Ayon naman kay Onesia Lucas Agdawi, na tinangkang sunugin ng kanyang asawang si Charlie ang kanilang bahay, matapos buhusan umano ng gasolina ang sahig, dakong 3 ng hapon ng Lunes, pero agad niya itong naawat at saka umalis.
Kinabukasan, dakong 3:30 ng hapon, ay nagpunta siya sa kanilang bukid kasama ang tatlong anak para magpakain sa alagang baka, pero laking gulat nang makita niyang nakabigti at wala nang buhay ang asawa. ZALDY COMANDA

Amianan Balita Ngayon