Dalawang suspek sa rape, 7 wanted huli sa Benguet

LA TRINIDAD,Benguet – Dalawang suspek sa kasong rape at pito pang mga wanted person ang nalambat sa ilalim ng Oplan Tugis ng Benguet Provincial Police Office sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigan.
Kinilala ni Police Colonel Elmer Ragay, provincial director, ang nadakip na kapwa may kasong Rape na sina Alvin Fugnay Duyao, 35, driver, ng Km.16, Tublay, Benguet at Mario Salbias Belino, 63, ng Colaocan, Quezon, Nueva Viscaya.
Ayon kay Ragay, si Duyao ay nadakip ng mga tauhan ng La Trinidad Municipal Police Station, PIB, PDEU, PIDMB, RID at RIU-14, dakong alas 11:50 ng umaga sa Kesbeng, La Trinidad, Benguet, noong Lunes, Setyembre 2, 2019 sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Jorge S. Manaois Jr., Presiding Judge ng Regional Trial Court, Branch 10, First Judicial Region, La Trinidad, Benguet.
Kinahapunan ay nadakip naman si Belino ng mga tauhan ng Bokod MPS, Provincial Intelligence Branch (PIB), Provincial Investigation and Detective Management Branch (PIDMB) – Benguet and Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) – Pangasinan sa may Sitio Kawag, Leboong, Tikey, Bokod, Benguet, sa bisa ng arrest warrant na inisyu ni Judge Merianthe PM. Zuraek, presiding Judge, Regional Trial Court, Branch 29, Second Judicial Region, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Ang iba pang mga nadakip ay kinilalang sina John Wayne Ducusin, 18, ng Ambiong, La Trinidad, Benguet sa kasong Robbery with Force Upon Things; Nixon Nakigo Estong at Jeff Depaynos Sison, kapuwa taga Bila, Bokod, Benguet na may kasong paglabag sa PD 533 (Anti-Cattle Rustling Law of 1974); Caryl Kis-ing Quirimo, 31, ng IB-16, Betag, La Trinidad, Benguet sa kasong Qualified Theft; Levi Kuangey Placido, 38, ng Comillas South, Cervantes, Ilocos Sur, sa kasong Attempted Murder; Denver Rimando Cando, 27, ng Asin, Tuel, Tublay, Benguet, sa kasong paglabag sa 7610 at Unjust Vexation; at Albert Laruan Segundo, 30, ng Bilis, Taloy Norte, Tuba, Benguet na may kasong Unjust Vexation.
 
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon