Dapat mas malinaw, direktiba o utos

Talagang aani nang maraming kritisismo at batikos ang mga operasyon ng pulis laban sa mga tambay at pagalagalang tao dahil nakikita ito ng mga kritiko at kalaban ni Duterte na isa na namang kampanyang laban-sa-mahihirap katulad nga ng madugong giyera sa drogang “Oplan Tokhang” na pumatay ng libong tao. Halos walong libo na ang nasasakote ng mga pulis sa kanilang tuloy-tuloy na operasyon sa loob lamang ng ilang linggo mula Hunyo 13.
Umaalingawngaw na naman ang kritisismo ng mga human rights group, simbahang Katoliko, mga oposisyon  at ilang personalidad at nagbabala na maaaring magamit ang direktibang ito na isang palusot upang  magsagawa ang awtoridad ng di-makatarungang pag-aresto at pagkulong na karaniwang paglabag sa karapatang-pantao. Sa gitna ng pag-iingay ng mga kritiko ay niliwanag ng Pangulo na nagbigay lamang siya ng direktiba at hindi iniutos sa mga pulis ang pag-aresto, sasabihan lang sila na umuwi na kapag pumalag ay iuuwi ang mga ito o dalhin sa isang opisina – na hindi malinaw kung anong opisina, kaya sa presinto na dinadala ang mga nahuhuling tambay.
Ayon sa mga eksperto ay walang batas na sumasaklaw sa direktiba ni Duterte kaya hindi maaaring arestuhin ang mga tambay, dahil ang pinakamalapit na kaso ay ang “anti-vagrancy” na “nade-criminalize” na noong 2012 na pinirmahan ni dating pangulong Benigno Aquino III. Pinanghahawakan ng kapulisan sa paghuli ang mga lokal na ordinansa ng mga LGU gaya ng pag-iinom at pagsusugal sa lansanan at labas ng bahay; nakahubad pang-itaas; paninigarilyo; pag-videoke lagpas sa 10pm; lumalabag sa curfew time at iba pa. Ang mga tambay ayon sa Pangulo ay mga potensiyal na kriminal.
Ayon sa mga grupong bumabatikos ay laban sa mahihirap at bukas sa pang-aabuso ang direktibang ito ng pangulo maliban pa sa pinangangambahang tila hakbang patungo sa Batas Militar dahil sa pagkakatulad ng mga operasyon noon. Pinabulaanan ng mga awtoridad ang mga paratang na ito at sinigurong nais lamang daw ni Pangulong Duterte na isulong ang kapayapaan at kaayusan sa pamamagitan ng “zero tolerance” sa kriminalidad gayundin ang pagsiguro sa kaligtasan ng publiko at hadlangan ang mga krimen.
Dahil gaya ng isang magulang at isang ama ay nais lamang ni Duterte na protektahan ang kaniyang pamilya sa ilalim ng “parens patriae” (ngayong isinama na rin ang paghuli sa mga bata at menor de edad na pakalat-kalat sa mga lansangan) upang kupkupin ang mga bata, isang prinsipyo ng pagkakaroon ng responsibilidad ng politikang awtoridad para sa proteksiyon ng mga mamamayan.
Maaari nating tanggapin na mabuti ang adhikain ng pangulo subalit kailangan maging maliwanag ang bawat direktiba at utos na kaniyang ihahayag upang hindi magdulot ng pagkalito at maling akala. Kailangan malaman ang ibig sabihin sa kabuuan ng “tambay” dahil ang pagbibigay sa mga awtoridad ng diskresiyong bigyan interpretasyon ito na hindi malinaw ang kahulugan sa mga alituntunin ay mapanganib at malapit sa pang-aabuso. Talagang maraming mahuhuling tambay dahil marami ang walang trabaho (anuman ang mga kadahilanan) na karamihan ay nasa mga mauunlad na lungsod at bayan.
At ang huling pahayag ni Digong sa mga pulis na “huwag silang matatakot at poprotektahan niya sila at “ang trabaho ng mga pulis ay hindi magbasa (kritisismo) kundi ang sumunod sa utos”, ay baka mabigyan na naman ng maling kahulugan. PMCJr.

Amianan Balita Ngayon