Dengvaxia, may katapusan kaya?

Yan ang tanong – may katapusan pa kaya ang isyu ng Dengvaxia? O baka naman lalo pang aabot sa mas malalang sitwasyon? Bakit yan ang tanong sa kasalukuyan? Sige, upakan na natin ang kontrobersiyang ire.

******

Nang magsimula ang pagbulaga ng kontrobersiyang Dengvaxia, medyo kakaunti lamang ang nakatumbok sa isyu.  Medyo mahina raw ang dating.  Bagama’t sa iba, may namuong pag-aalangan lalo na sa mga naturukan ng naturang bakuna. Nang tumagal at nagkaroon na ng imbestigasyon lalong lumala ang matalinghagang duda, kuru-kuro, batikos, puna, hanggang sa naisilang ang takot. Bakit takot? Paano kasi sabi ng ilan, may mga ulat ang mga nag-imbestiga na nakakatakot daw ang sinapit na kamatayan ng mga biktima dahil sa Dengvaxia. Kesyo may mga namaga, natuyo, dinugo at etsetera pang sanhi ng kamatayan matapos maotopsiya. Tsk tsk, sala-salabat na ang sumunod na mga eskena. May mga komontra, may mga pumanig sa mga ulat.  Yan ang dahilan kung bakit may mga taong sinasabing dapat daw ay makasuhan at panagutin. Pati nga pangalan ni dating pangulong Noynoy Aquino, nakaladkad sampu ng kanyang mga alipores. Maria kusina impusipos annex! Pati nga kakaupong DOH secretary ay nakaladkad na rin. Tsk tsk, matindi talaga ang upak ng Public Attorneys’ Office (PAO).   At dahil sa kasisigaw at katatalak, dumami ang napundi at naasar na rin.  Bakit daw lahat na yata ng sakit ng mga namatay ay idinadawit ang Dengvaxia na dahilan? Tuloy, may nasisilip ang ilang mga mabusisi na parang laglagan na daw yata ang nangyayari.  Baka raw gusto lang sirain ang ilang mga persona kaya di sila tumitigil sa isyu ng bakunang yan.

******

Sigaw ng mga pamilyang nawalan ng kaanak dahil sa Dengvaxia:  panagutin ang mga nagkasala! Na para bang “kung buhay ang inutang, buhay din ang kabayaran”! Pero tapik ng ibang brigade: teka muna, dahan-dahan lang. Hindi kumo sinabi ng mga imbestigador na Dengvaxia ang maaaring dahilan ng kamatayan ng mga naturukan ng bakunang ire ay tama at konkreto na ito. Dapat ay pakinggan din natin ang panig ng kabila upang mabalanse ang isyu. Ang kaso, nagkakainitan na. Kanya-kanyang bintangan na. Kanya-kanyang upak at bintang na.  Banat naman ng mga taong mahinahon: papaano sila nakakasigurong Dengvaxia nga ang dahilan? Sapat na daw ba ang mga nakitang pamamaga, pagdurugo at pisikal na anyo ng lamang-loob ng biktima upang sabihin nilang Dengvaxia nga ang sanhi ng kamatayan? Di kaya dapat ikunsidera din ang kalusugan ng naturukan bago ito nabakunahan? Baka naman may malala na itong sakit na maaaring napalala dahil sa bakuna? So, hindi lang Dengvaxia ang killer, di ba?  Isip mga, kapatid. Bago tayo magkamali at magsisihan hanapin muna natin ang tunay na dahilan sa kamatayan ng mga batang biktima diumano ng Dengvaxia.

*******

Ito ngayon ang matindi: may ulat na mismong anak at apo ni Pangulong Digong ay naturukan din ng Dengvaxia!  Buhay sila. Ano ang ibig sabihin nito? Yan ay pahayag mismo ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go na pati ang bunsong anak ni Pres. Duterte na si Veronica “Kitty” Duterte at manugang ni Digong na si January at anak na si Sabina. Tanong ng marami: Ano ang ibig sabihin nito? Ang kahulugan ba nito ay – walang problema sa Dengvaxia? Daplis naman ng ilang mausisa: baka naman daw pakulo lang ito o palabas para matigil na ang isyu ng Dengvaxia? Kung ititigil, papaano na ang mga inaakusahang may dapat panagutan? Sus, ginoo!  Porbida kon porkilong mga eksena, maawa naman kayo sa mga tunay na biktima, ilabas ang katotohanan at kung sinong dapat managot, parusahan. Tadtarin ng bakuna at hintayin nating manigas para malaman kung ito ay pakulo, palabas o totoo naman!  Adios mi amor, ciao, mabalos!

Amianan Balita Ngayon