DENR-CAR, nanguna sa paglilinis ng Bued River

Nagsama-sama ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno at mga pribadong organisasyon sa paglilinis ng Bued River, ang ilog na dumadaloy mula sa siyudad ng Baguio patungo sa mga bayan sa lalawigan ng Pangasinan.
Ang naturang paglilinis sa ilog ay pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources-Cordillera (DENR-CAR) noong Pebrero 8 sa Kenon Road.
Bago inumpisahan ang aktibidad ay nagkaroon ng munting programa kung saan inihayag ni DENR-CAR Regional Director Engr. Ralph Pablo, “Ang pagsalba sa ilog ng Bued ay layuning
mapaganda at maalagaan ang ilog natin. Hindi lang sa Manila Bay puwedeng umpisahan ito, dito rin sa atin. Ang pagsalba ng mga ilog ay napakaimportante dahil ito ang dumadaloy pababa sa iba’t
ibang lugar sa baba, kailangan panatilihing malinis. Pagkatapos ayusin ang Bued River, importante rin na ito’y bantayan pagtapos ng paglilinis dahil kapag malinis ang ilog natin, malinis din ang ating hangin.”
Kaya naman ang mga empleyado mula sa iba’t ibang mga ahensiya tulad ng mga kagawaran ng edukasyon; agham at teknolohiya; kagalingang panlipunan at pagpapaunlad; interyor at pamahalaang lokal; pagawaing bayan at lansangan; paggawa at empleyo; at iba pa ay nag-ambag ng tulong upang
mapanatili ang kalinisan ng Bued River sa pamamagitan ng paglilinis nito.
Malaking tulong at pagbabago naman ito para sa siyudad ng Baguio at patuloy pa rin ang clean-up operations ng DENR-CAR, ang susunod ay gaganapin sa ika-12 ng Pebrero sa Lamut River ng Ifugao.

Amianan Balita Ngayon