DENR hinimok na pasimplehin ang regulasyon ng Minahang Bayan

Inaprubahan ng Regional Development Council (RDC)-Cordillera ang isang resolusyon na humihiling kay Environment
Secretary Roy Cimatu na pangunahan ang pagpapasimple sa kasalukyang mga requirements at approval process para sa deklarasyon ng mga lugar ng Minahang Bayan sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Inilahad ng RDC-CAR, na pinapangunahan ni Mayor Mauricio G. Domogan bilang chairman, na ang trahedya sa pananalasa ng bagyong Ompong sa Cordillera noong Setyembre 15,2018 na nagresulta sa pagkamatay ng 116 kataong karamihan ay sa small scale mining areas sa bayan ng Itogon, Benguet, ay nagpapakita sa pangangailangan ng mabilis na regulasyon at pagsusuri sa small-scale mining sector at pagdeklara ng potensyal na lugar ng Minahang Bayan.
Nakasaad sa Republic Act (RA) 7076 (People’s Small Scale Ming Act of 1991) na ang small-scale mining operations ay dapat na isagawa lamang sa mga naideklarang people’s small-scale mining areas o Minahang Bayan, habang ang RA 8371 (Indigenous Peoples Rights Act o IPRA) ay nag-uutos sa mga indibidwal, grupo at mga kompanya na nagnanais na mag-exploit, mag-develop at gumamit sa mga resources ng bansa sa lugar na nasasakupan ng ancestral domain ng indigenous peoples (IPs) o mga indigenous cultural communities (ICCs) na kailangang kumuha muna ang mga ito ng pahintulot mula sa apektadong IPs-ICCs sa pamamagitan ng pagsasagawa ng free prior and informed consent (FPIC) bago pa man simulan ang mga pinaplanong aktibidad.
Idinagdag ng resolusyon na nahihirapan ang small-scale miners na sumunod sa mahigpit na requirements para maaprubahan ang Minahang Bayan dahil sa FPIC requirements lalo pa’t nakabinbin ang 54 aplikasyon para sa Minahang Bayan sa rehiyon.
Ayon sa resolution, ang small-scale mining ay mahalagang pinagkukunan ng kabuhayan sa Cordillera na kinabibilangan ng mahigit 20,000 pocket miners at kanilang mga pamilya na umaasa lamang sa naturang industriya upang kumita sa nakalipas na ilang dekada.
Nauna rito, sinimulan ng RDC-CAR ang ilang mga diyalogo sa pagitan ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno at iba pang stakeholders kasama ang mga kinatawan ng small-scale mining upang tugunan ang mga isyu sa small-scale mining sector. Lumabas dito na pangunahing humahadlang sa deklarasyon ng Minahang Bayan sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon ang requirement na pagsasagawa ng FPIC para sa mga apektadong IPs.
Inatasan ng RDC-CAR ang DENR-CAR at ang mga kakabit na mga tanggapan nito na magsagawa ng mga konsultasyon sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP-CAR) para sa posibleng pagpapasimple ng requirements sa pagbibigay ng FPIC para sa Minahang Bayan sa rehiyon ng mga pocket miners.
Sa kawalan ng naideklarang lugar ng Minahang Bayan sa rehiyon, ang small-scale mining ay ibinibilang na illegal at bahagi ng informal economy.
Sa kabila nito, ang pocket mining ay isang mahalagang pinagkakakitaan ng maraming indibidwal sa Cordillera at bilang isang underground economic activity, mayroong kakulangan sa impormasyon sa pocket mining na may tinatayang trabahador mula 20,000 hanggang 100,000.
BAGUIO PIO/ABN

Amianan Balita Ngayon