DENR-ILOCOS NAGSASAGAWA NG PAGLILINIS

SAN FERNANDO, La Union

Pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region I ang pagdiriwang ng Philippine Environment Month sa pamamagitan ng simultaneous cleanup activity sa siyudad ng San Fernando, La Union noong ika-5 ng Hunyo. Ang buong buwang selebrasyon na may temang “No to Waste: Advancing Circular Economy” ay may layuning bigyang-diin ang
panawagan para sa #BeatPlasticPollution alinsunod na rin sa kampanya para sa selebrasyon ng World Environment Day ngayong Hunyo.

Ayon kay Atty. Crizaldy M. Barcelo, regional director ng DENR Region 1, ang naturang aktibidad ay isang solusyon upang matuldukan ang suliranin sa polusyon dulot ng paggamit ng mga plastic at tuluyang maresolba ang iba pang mga isyung pangkapaligiran. Hinikayat din nito ang publiko na magpatuloy sa pagpapahalaga sa kalikasan kahit hindi selebrasyon ng Environment Month.

“We encourage you na ielevate ang ating environment throughout the year to demonstrate our consciousness of how to protect, conserve appropriately, manage our environment and natural resources not only for our present generation but for our future generation,” ani Barcelo. Samantala, nakiisa rin sa nasabing aktibidad ang regional line agencies kabilang ang PIA Region 1.
Umabot sa 1,377 kilo ng nabubulok at hindi nabubulok na mga basura ang nakuha ng mga ahensyang dumalo sa clean-up drive.

Marami sa mga basurang nakukuha ay food wrapper, plastic wrapper, styrofoam, plastic straw,
mga bote, at mga gamit nang face mask. Sa bisa ng Proklamasyon Blg. 237, s. 1988, ipinagdiriwang ang Philippine Environment Month upang maitaas ang kamalayan ng mga Pilipino para sa sama-samang pagkilos upang protektahan, pangalagaan, at paunlarin ang kapaligiran at likas na yaman ng bansa.

(KJCR, PIA La Union/PMCJr.- ABN)

Amianan Balita Ngayon