DENR, kanino ka ba pumapanig?

Naiipit sa naguumpugang bato ang national government, lalo ang ehekutibo, partikular ang DENR, sa Isyu ng OceanaGold Philippines, Inc. (OGPI).

Dalawang taon nang paso ang kaunana-unahang Financial and Technical Assistance Agreement (FTAA) sa bansa — FTAA # 1— na ibinigay sa OGPI upang minahin ang kalupaan ng ng mga katutubo sa barangay Didipio, Kasibu, Nueva Vizcaya.

Hindi na mabilang ang pagkakataong nanawagan ang mga katutubo ng Didipio at kalakhang mamamayan ng Nueva Vizcaya kabilang ang mga lokal na namumuno, kasama ang iba’t-ibang grupo patigilin na ang OGPI, ngunit nagbigay pa rin ng puwang ang DENR upang lakarin ng dambuhalang kumpanya ang renewal ng FTAA nito.

Sadyang bingi kya ang “kagawaran ng pangangalaga ng kalikasan”? O binulag na ng makasariling interes? Bilang panghuling hirit ng mga katutubo, si President Digong na mismo ang hinihiling nilang manindigan sa kanyang paulit-ulit na binibitawang salitang “ayaw sa open pit mining” dahil batid nya ang mapanirang epekto nito sa kapaligiran at pandarambong sa natural na rekurso.

Bukod sa kapaligiran, nananawagan ang mamamayan ng Nueva Vizcaya na igalang ang kanilang paninindigan. Maliwanag na hindi sang-ayon ang barangay hanggang sa pamunuan ng probinsya sa patuloy pa na pagwasak sa Didipio sa pamamagitan ng open pit mining.

Kahit ang Regional Development Council ng Cagayan Valley ay nagpahayag na rin kontra dito. Sa gitna ng mga paglabag ng operasyong open pit mining ng OGPI sa kapaligiran, sa karapatan ng mga katutubo, malaking palaisipan kung ano ang nagbubunsod sa DENR upang ipagpilitan kay Pangulong Duterte na aprobahan na ang renewal ng FTAA nito.

Sa tagal nang ang Pangulo mismo ang nag-aatubiling irenew ang FTAA ng OGPI, ay otomatiko na sana sa DENR ang hudyat na i-decommission at irehabilitate na ang Didipio mula sa open pit mining upang mapanatag naman ang mamamayan ngayong malapit na ang peligro ng mga landslides, mudslides at iba pang panganib tuwing tagbagyo!

Hindi ba’t malubhang kasalanan ang pagwawalang bahala sa kapakanan ng kapaligiran at ng mamamayan?

Amianan Balita Ngayon