Director at COP sinibak sa Cagayan Valley

Pormal nang sinibak sa pwesto sina Senior Supt. Jeremias Aglugub, provincial director ng Nueva Vizcaya police provincial office, at Chief Insp. Geovanni Ceje, hepe ng Aritao municipal police station.
Ayon sa tagapagsalita Philippine National Police na si Senior Supt. Bernard Banac, ang pagsibak sa dalawa ay dahil sa pagkukulang sa pag-aasikaso at paghawak ng nakuhang mga ebidensya ng mga imbestigador sa pinangyarihan ng krimen kaugnay sa paglikida kay National Democratic Front of the Philippines (NDFP) peace consultant na si Randy Felix Malayao.
Si Malayao ay pinagbabaril ng hinihinalang death squad ng New People’s Army (NPA) habang natutulog ang una sa loob ng pampasaherong bus sa bayan ng Aritao, Nueva Vizcaya madaling araw noong Enero 30.
Ayon pa sa ulat, si Malayao ay dating commander umano ng NPA na may alias na Salvador Del Pueblo at nakulong sa pagpatay kay dating governor Aguinaldo ng Cagayan at iba pang kaso pero napawalang sala ito.
Samantala, inilabas na ng Cagayan Valley police ang artist’s impression ng mga mukha ng tatlong pinaghihinalaang bumaril at nakapatay sa biktima.
Francis Soriano/ABN

Amianan Balita Ngayon