“DIWA NG BAYANIHAN” MANATILI SA LAHAT NG PANAHON AT PAGKAKATAON, MAGING KINATAWAN NG PAGBABAGO

Nang biglaang tinupok ng malaking sunog ang malaking bahagi ng Baguio City Public Market lalo na ang lugar ng Block 3 at Block 4 noong Marso 11, 2023 ay tila napaaga ang kalbaryo ng nasa halos 2,000 vendors – nauna nilang ginunita (naranasan) ang sinasabing kalbaryo ng Panginoong Hesus tuwing sumasapit ang tradisyunal na Semana Santa kung ay nawala ang mga kabuhayan ng mga vendors.

Ang karaniwang paglilinis at pag-aayos sa mga labi dulot ng ganitong malaking sunog ay inaabot ng ilang buwan (baka taon pa) upang matapos. Subalit sa pangunguna ni Mayor Benjamin Magalong isang ambisyosong kautusan ang binitiwan niya upang malinis ang sinira ng sunog at maibalik ang kabuhayan ng mga apektadong vendors, pitong araw itong gagawin. Dahil nga sa malakas na pangunguna ng Mayor at sa tulong ng pulu-pulotong ng mga manggagawa at volunteers mula sa pampubliko at pribadong sektor ay napatunayan na maaaring magawa ang mahirap gawin (ng iba) dahil sa pagtutulungan na kung tawagin ay “bayanihan”.

Kaalinsabay ng malawakang paglilinis ay ang mabilisang pagkumpuni at pagtatayo ng mga pansamantalang puwesto ng mga nasunugang vendors sa iba’t-ibang lugar. Sa panig naman ng City Council ay gumawa sila ng kinakailangang lehislasyon upang mapayagang magamit ang ilang lugar sa lungsod at inaprubahan ang PhP8 milyon pondo para sa rehabilitasyon ng Block 3 at Block 4.
Kasunod nito ay bumuhos na ang tulong na pati ilang Senador ay nagbigay rin ng ayuda at naghayag ng mga pangako, na kung ano ang motibo ay ipinagkibit-balikat ng ilan at positibong kinilala ng marami.

Likas naman sa mga Pilipino ang pagiging matulungin, ngunit marami rin ang tila nakakalimot sa mas maraming panahon ng kanilang buhay kung saan mas umiiral ang mga pansariling interes, kapakinabangan at kasiyahan kaysa ibuhay ang tunay na paggunita sa mensahe ng kalbaryo at paghihirap ni Kristo para sa sangkatauhan. Marami ang nagpapakita lamang ng kabaitan at malasakit sa kapuwa kung sasapit ang Semana Santa at kalauna’y bumabalik na naman sa dating gawi. Patapos na naman ang Semana Santa at magbabalikan muli ang mga nagbakasyon na
sinamantala ang “mahabang holiday vacation”, back to normal ika nga.

Sana hindi lamang humangga sa pagtatapos ng Semana Santa ang paggawa ng kabutihan at
pagtulong sa kapuwa kundi mapanatili ito sa lahan ng panahon at pagkakataon. Napatunayan ang kabutihan ng tao sa “bayanihan” upang maibalik sa mabilis na panahon ang operasyon ng pampublikong pamilihan ng Baguio at makaahon muli ang mga nasunugang vendors. Kaya pala kapag nagtutulungan.

Magandang inspirasyon din ang mensahe ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pag-uumpisa ng Semana Santa na bagaman mahirap maunawaan ang mensahe ng kaligtasan at buhay na walang hanggan, ang paggunita sa sakripisyo at pagdurusa ni Kristo ay napapanahong lagi – at ang maaaring pagtanaw ng tao dito ay ang kagustuhang maging
“mas mabuting kinatawan ng pagbabago”.

Amianan Balita Ngayon