DOE satellite office kailangan sa Baguio

Nakikita ng Department of Energy (DOE) ang pangangailangan na magtayo ng isang satellite office sa lungsod upang pagsilbihan ang maraming isyu na hinaharap ng industriya ng enerhiya sa iba’t ibang bahagi ng Cordillera.
Ito ay paghahanda sa panukalang pagtatatag ng departamento ng regional office sa CAR sa hinaharap na naghihintay pa na maaprubahan.
Ito ang sinabi ni Reynaldo Liganor, officer-in-charge ng DOE Luzon field office na nakabase sa Urdaneta City, Pangasinan.
Sinabi ni Ligamor na ikinonsidera ng pamunuan ng DOE ang panukala ng mga congressman sa Cordillera na umpisahang magtayo ng satellite office sa Baguio. Ito ay habang hinihintay na magkaroon ng permanenteng Cordillera regional office upang agad nilang matugunan ang mga isyu na may kaugnayan sa mandato ng departamento ng enerhiya.
Sinabi niya na ang Luzon field office ay sumusuporta sa matagal nang hinaing ng mga taga-Cordillera na magkaroon ng regional office ngunit pinakamabuting simulan muna sa isang satellite office upang mabantayan ang aktibidad ng ahensiya sa rehiyon. Ang pagtatatag ng regional office ay patuloy na tinatrabaho sa kanilang national office.
Kinilala ni Ligamor ang kahalagahan ng isang satellite office saan mang lugar ng rehiyon upang mapagaan ang mga transaksiyon ng mga opisyal at residente.
Sa kasalukuyan ay tanging opisina ng DOE sa Pangasinan ang nagsisilbi sa mga taga-Cordillera.
Sa third quarter meeting ng Cordillera Regional Development Council (RDC), ay ilang resolusyon na humihiling sa pamunuan ng DOE na magtatag ng regional office sa Cordillera ang tinalakay at nakita ng mga opisyal na kailangan ng agarang pagtugon sa mga issues and concerns na ibinabato laban sa departamento, lalo na ang mas mataas na presyo ng langis sa lungsod kumpara sa mga bayan sa kapatagan.
Ito ay maliban sa requirement para sa free, prior and informed consent para sa renewable energy developers mula sa mga indigenous peoples na tinatamaan ng mga panukalang proyekto ng DOE.
Sa paglulunsad ng Consumer Welfare Month noong nakaraang linggo ay umapila si Ligamor sa mga lokal na opisyal na magpasensiya muna at ginagawa nila ang lahat para sa pagtatatag ng isang satellite office. LIZA AGOOT, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon