Doktor ng BGH patay, 14 sugatan sa Davao accident

LUNGSOD NG BAGUIO – Isang doktor ang namatay habang 14 iba pang medical practitioners ang sugatan, pawang mula sa Baguio General Hospital (BGH), matapos na sumalpok ang sinasakyan ng mga itong van sa center island ng highway sa Purok 6-A, Barangay Canocotan, Tagum City sa probinsia ng Davao del Norte dakong 8am noong Abril 27, 2017.
Ang mga biktima na sumama sa lakbay-aral sa Tagum ay patungo sana sa Davao Regional Medical Center (DRMC) nang naganap ang insidente.
Sa inisyal na ulat ng pulis ng Tagum sa pamamagitan ng skype, ang black Toyota Hi-Ace van na may plakang AAH 4192 na sinakyan ng mga biktima at minamaneho ni Julan Baldove, 28, sekyu ng Southern Philippines Medical Center sa Davao City at residente sa naturang lungsod, ay sinubukang mag-overtake sa tatlong sasakyan.
Bigla umanong nagpalit ng lane ang isa sa mga sasakyan kaya agad nagpreno si Baldove upang iwasan ito na nagbunsod upang lumihis ang van at nawalan ng kontrol ang driver hanggang sa sumalpok ang sasakyan sa center island ng highway.
Agad na dinala sa Medical Mission Hospital ang mga biktima ngunit namatay habang ginagamot si Dr. Brigida Claro, 56 anyos, isang cardiologist at chairperson ng Department of Internal Medicine ng BGH.
Ang 10 pang nasugatan ay inilipat sa DRMC. Kinilala ang mga ito na sina Eulina Lagdao, 50, at Virginia B. Mangati, 49, pawang medical doctors; Marilyn A. Lapaz,45, Michelle L.Suyat,42, Candida Donggayao,53, Carmen B. Bumatnong,49, Teresa C. Abrenica,44, at Valorie B. Presco,40, pawang mga nurse; Clarence D. Clemente,52, admin assistant; at Marites M. Baloran, 49, IT admin ng BGH.
Apat pang katao na hindi nabanggit sa inisyal na ulat ng pulis na kasama sa mga nasugatan ay sina Leah Serna, Lorraine Ramos, Jade Malecdan at Allan Factora.
Samantala, ang driver ay nasa kustodiya ng pulis matapos itong na-discharge sa ospital.
Inaasahan na ang bangkay ng doktora at ang mga nasugatan ay darating sa lungsod ng Baguio ngayong linggo. ABN

Amianan Balita Ngayon