Doktor Para sa Bayan Act, tugon sa mga pangarap ng kabataan

Magandang balita ang sumalubong sa taong ito para sa mga estudyante o maging ng mga kabataang hanggang sa pangarap na lamang ang kanilang minimithing maging isang doktor dahil sa kahirapan at kamahalan ng magagastos sa pag-aaral ng medisina. May liwanag na ang kanilang malabong pangarap dahil nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang “Doktor Para sa Bayan Act” o ang Republic Act No. 11509 noong Disyembre 23, 2020.
Ang batas na ito ay nagtatatag ng isang medical scholarship at return service program na magbibigay ng scholarship para sa mahihirap ngunit karapat-dapat na mga estudyanteng nagnanais maging mga doktor ng medisina. Layunin din ng batas na himukin ang mga mag-aaral na kumuha ng kursong medisina at tulungang mapahusay ang doctor-patient ratio ng bansa.
Hanggang Abril 2020 ay may sampung doktor kada 10,000 populasyon sa National Capital Region kumpara sa 0.8 doktor lamang kada 10,000 tao sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Habang sa Cordillera Administrative Region (CAR) – 6; Region 1 (Ilocos) – 3.8; Region 3 (Central Luzon) – 3.4; Region 2 (Cagayan Valley) – 3.2; Region 11 (Davao) – 2.9; Region 6 (Western Visayas) – 2.9; Region 7 (Central Visayas) – 2.9; Region 4A (CALABARZON) – 2.7; Region 10 (Northern Mindanao) – 2.7; Region 8 (Eastern Visayas) – 2.5; Region 9 (Zamboanga Peninsula) – 2.5; Region5 (Bicol) – 2.4; Region 12 (SOCCSKSARGEN) – 2.3; Region 13 (CARAGA) – 2; Region 4B (MIMAROPA) – 1.8.
Kung nais ng Pilipinas na gayahin ang health system ng Cuba, ang unang bagay na kailangan tugunan ng gobyerno ay ang kakulangan ng mga doktor kung saan ang kasalukuyang doctor-population ratio na 1:33,000 ay malayong-malayo sa 1:1,000 sa Cuba kung saan karamihan sa kanila ay primary care physicians. Ayon sa Philippine Medical Association ay may 130,000 lisensiyadong doktor sa bansa, ngunit 70,000 lamang ang aktibo sa propesyon nila dahil malaking bilang ay lumipat sa nursing at nagtrabaho bilang mga nurse sa ibayong dagat.
Hindi di-pangkaraniwan para sa mga mamamayan sa mga liblib na lugar ng Pilipinas na hindi man lang nakakita ng isang doctor mula ng isilang sila. Ang panganganak sa bahay ay nananatili pa ring gawain sa probinsiya. At dahil sanay na ang mga tao na hindi nagkakaroon ng isang doktor sa kanilang komunidad, ang pagkonsulta para sa sakit ay kalimitang naisasantabi hanggang ang kondisyon ay lumala at ang gamutan ay huli na.
Nais nag gobyerno na mabigyan ang mga kanayunan lalo na ang mga liblib na lugar ng kinakailangang doctor upang mapahusay ang kasalukuyang sitwasyon kung saan ang isang doctor ay nagsisilbi sa isang munisipalidad na karaniwang binubuo ng 20 hanggang 30 barangay.
Kinakailangan ding pahusayin ang 2,300 bagong doctor taon-taon dahil sa kasalukuyan ay nasa 30 hanggang 40 porsiyento lamang ng mga nagtapos sa medisina ang pumapasa sa board exams na lubhang mas mababa sa 98 porsiyento ng Cuba.
Dahil may lima lamang na public medical schools sa bansa ay maaaring magtakda ang Commission on Higher Education (CHED) ng mas marami kaysa isang partner na private Higher Education Institutions (PHEIS) sa rehiyon kabilang ang mga kasalukuyang State Universities and Colleges (SUCs) na naghahandog ng Doctor of Medicine (MD) program kung kinakailangan sa konsultasyon sa Department of Health (DOH).
Ang mga kuwalipikadong aplikante mula sa mga munisipalidad na walang doctor ng gobyerno o mababa ang doctor-to-population ratio ay magiging prayoridad sa alokasyon ng scholarship slots upang masiguro na ang pagtatalaga na kahit isang doktor sa bawat munsipalidad sa buong bansa.
Kabilang sa tulong pinansiyal para sa MSRS program ay libreng tuition at iba pang fees; allowance para prescribed books, supplies, at equipment; clothing o uniform allowance; allowance para sa dormitoryo o boarding house accommodation; transportation allowance; internship fees, kasama ang financial assistance sa panahon ng mandatory internship; medical board review fees; licensure fees; annual medical insurance; at iba pang education-related miscellaneous subsistence o living allowances.
Sa RA 11509 hinihingi sa scholar na magsilbi sa isang government public health office, ospital ng gobyerno, o alinamng accredited government health facility sa kaniyang bayan ng isanbg taon sa bawat taong ng scholarship na kinuha nito.
Sa paglagda ng RA 11509 ay kinikilala ang polisiya ng estado na protektahan at isulong ang karapatan ng tao sa kalusugan sa pamamagitan ng paglikha at implementasyon nh mga polisiya at istratehiya para sa naaangkop na henerasyon, pag-recruit, retraining, regulation, retention, at reassessment ng health workforce, na gagawin itong mas nakakaagapay sa mga pangangailangan ng populasyon.
Idineklara rin nito ang polisiya na isusulong ng estado ang hustisyang panlipunan sa pagpapalawak ng pagkakaroon ng de-kalidad na edukasyon at paglikha ng mga oportunidad para sa mahihirap na mamamayang Pilipino.
Marami tayong natutunan, napatunayan at karanasan sa pandemya ng COVID-19 at sa pagkakaroon ng “mga doctor para sa bayan” ay marahil madali na nating mahaharap at magagapi ang anumang darating pang hamon sa sistema ng kalusugan sa bansa.

KAPIHAN SA BSU

Amianan Balita Ngayon