DOLE, nagbigay ng tulong pangkabuhayan sa LU

SAN FERNANDO CITY, LA UNION – Isang magandang pagkakataon bago dumating ang panahon ng tag-ulan ay nagkaloob ng tulong pangkabuhayan sa dalawang bayan ng La Union mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) Region 1.

Nasa 40 benepisyaryo ng Pantawid Pamilya sa bayan ng Bacnotan ang nakakuha ng halagang P600,000 na tulong pangkabuhayan na proyekto ng Negosyo sa Kariton (NegoKart) ng DOLE.

Nagbigay din ng halagang P630,000 tulong pangkabuhayan sa 175 na magsasaka mula sa munisipalidad ng San Gabriel na kung saan ang P330,000 halaga ng feeds at pataba para sa 38 na babaeng magsasaka ng Barangay Lonoy para sa panustos na proyektong pang-agrikultura habang ang P300,000 ay halaga ng dalawang kiskisan para sa 137 magsasaka ng mga barangay ng Apayao at Lacong sa San Gabriel para sa kanilang proyekto na gilingan ng palay. Ang dalawang proyekto ay naglalayong mapalakas ang kita ng mga magsasaka para sa kanilang pang-araw-araw na ikabubuhay ng kanilang pamilya.

Ang programa ng ahensya na NegoKart ay hindi lamang sa La Union kundi maging sa ibang probinsya ng Ilocos Norte, Ilocos Sur at Pangasinan upang makatulong na magbigay ng karagdagang kita para sa mga marginalized o mahihirap na residente tulad ng mga benepisyaryo ng 4Ps.

Sinabi ni Regional Director Nathaniel V. Lacambra ng DOLE Region 1 “kailangan natin unahin ang mga nasa hanay ng marginalized sectors na alam nating kapus sa kanilang kabuhayan ngunit may kakayahan sa kanilang abilidad para makatulong at mapaunlad sa rehiyon upang mapalakas ang kanilang kita sa pamamagitan ng kani-kanilang sariling hanapbuhay.” ABN

Amianan Balita Ngayon