DOLE, pinalawak ang SPES coverage at duration sa 2017

Provincial

LAGAWE, IFUGAO – Pinalawak ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang coverage at duration ng Special Program for Employment of Students (SPES) sa taong ito upang mapagbigyang makaipon ang mga estudyante at out-of-school-youths para sa kanilang pag-aaral.

Ipinaliwanag ni DOLE Ifugao Senior Labor and Employment Officer Isabelita Codamon na ito ay ayon sa Republic Act 10917 na nag-e-expand sa eligibility ng SPES applicants mula sa dating 15-25 taong gulang sa 15-30 taon gulang at ito ay ipapatupad at handa na sa buong taon kumpara sa nakaraang mga taon na karaniwang isinasagawa lamang sa summer season o semestral break ng paaralan.

Bukod dito, ang panahon ng employment ay hindi lamang limitado sa 20-50 working days kundi magiging 78 araw na maliban sa bakasyon sa panahon ng Pasko kung saan ang panahon ng employment ay 10-45 araw.

Sinabi ni Codamon na sa ngayon ay may 1,347 SPES workers para sa 2017 sa probinsiya ngunit maaaring dumami pa dahil bukas ito sa buong taon kumpara sa 1,280 noong 2016.

Ang Ifugao Provincial Government ang may pinakamaraming SPES workers sa kasalukuyan na may 249 na sinundan ng People’s Organization na may 196. May 192 naman ang Alfonso Lista; Asipulo-149; Hungduan-125; Tinoc-103; Aguinaldo-88; Lagawe-66; Mayoyao-62; Kiangan-50; Lamut-38; at Banaue na may 29.

Kasama sa trabaho ng SPES employees ang cleaning, reforestation, greening, survey at kung nasa opisina ay clerical jobs.

Mababayaran sila ng minimum wage na umiiral sa kanilang respective work areas na itinatakda ng Department of Budget and Management sa isang counter-parting scheme kung saan may counterpart ang DOLE na 75% share para sa 6th class municipalities, 60%  sa 5th class, 50% sa 4th class at 40% para sa third at second class. Ang balanse ay babayaran ng requesting agency o local government unit.

May budget na P4,464,673.60 ang DOLE-Ifugao para sa SPES 2017 bilang kanilang counterpart.

Upang maging eligible sa SPES ay kailangang 15-30 taong gulang ang aplikante, ang combined net income ng magulang matapos ang tax ay hindi hihigit sa annual regional poverty threshold, at may passing general weighted average sa nakaraang school year o term attended .

Mula nang maipatupad noong 1993 ang SPES ay isa sa mga mahalagang programa ng gobyerno kung saan ang mga estudyante at OSYs bilang mga benepisaryo ay maaaring maipagpatuloy o matapos ang kanilang pag-aaral at gayundin maranasan ang totoong mundo ng pagtatrabaho. ABN