Domogan humiling ng pasensya sa mga residente

Tatlong linggo bago muling magbukas ang pasukan ng mga estudyante ay lumakas ang hinaing ng mga residente at motorista dahil laging naitataon sa ganitong panahon ang paghuhukay sa mga kalsada na nagiging perwisyo umano sa mga papasok na mag-aaral at magtatrabaho.

“Wala sanang problema kung sa pagsasara ng daraanan ay may ibang ruta na iikutan ito, ngunit kung ang daraanan na iikutan mo ay may matinding problema rin sa kalsada at nagdudulot pa ng trapik, anong pakiramdam mo?” himutok ng isang pasahero.

Upang magkaroon ng linaw sa mga residente na nanggagalaiti sa galit ay inilapit ito sa tanggapan ng alkalde upang alamin kung paano ang isinasagawang proseso sa pagsasaayos ng mga kalsada sa mga barangay.

Sa ginanap na Ugnayan kay Mayor noong nakaraang Miyerkules ay sinabi ni Domogan, “Tayo rin ay hindi natin gusto ang maperwisyo kapag may ganitong isinasagawa tayong pagsasaayos ng kalsada sa inyong barangay, temporary inconvenience lang yan, paano natin maaayos ang inyong kalsada kung hindi natin hukayin yan?

“Yung proseso kasi ng bidding, I hope they understand. Hindi basta-basta yan, may prosesong ginagawa at the best period of implementation effectively during dry season. Inaabot nila yung pagtapos sa project before the coming in of rainy season, kasi kung i-implement mo yung project during typhoon time, pati yung quality ng project naapektuhan.

“Sa bidding naman kung nagkataon na gusto natin tapusin yun ibang project before the onset of the rainy season at yun bidding ay katatapos lang dapat i-rush nilang gawin before coming of rainy season.

“To our constituents na naapektuhan diyan sa project ng city o project ng public works and highways, sana let us be patient. Yung importante ma-monitor natin yung mga ibang project na hinukay nila yung kalsada. It took some days bago sila balikan magtrabaho diyan, dapat kung hinukay mo tapusin mo, hindi natin dapat dini-delay yung completion ng trabaho upang ma-minimize natin yung inconvenience of the public. Yun talagang deft implementation of the project during dry season at yun pagtapos ng bidding unfortunately magkatugma not towards this end,” ani Domogan. ABN

Amianan Balita Ngayon