Drayber, natagpuang patay sa Abra

Natagpuang bangkay na ang isang drayber sa Sitio Dalnatan, Agtangao, Bangued, Abra bandang 6:30pm ng July 10.
Kinilala ang bangkay na si Leopoldo Barbadillo Bernardez, 54, may asawa, part-time driver at residente sa nasabing lugar.
Ayon sa ulat, nakatanggap ng tawag ang Bangued MPS mula kay Barangay Chairman Mario S. Ballo ng Brgy. Agtangao na isang bangkay ang nakita sa nasabing lugar.
Sa inisyal na imbestigasyon, bandang 6am ng July 10, tinignan ni Leonora Racca Rebellon, 50anyos, single, at residente rin ng nasabing lugar, ang kaniyang mga alagang baka nang nakita niya ang duguang katawan ng bangkay katabi ang motorsiklo nito sa harap ng kaniyang bahay.
Ang biktima ay nagtamo ng gunshot wounds sa kanang bahagi ng tiyan, at kanang pigi. Ayon sa mga kamag-anak ng biktima at mga kapitbahay, nakarinig sila diumano ng putok ng baril sa pagitan ng 12:30am hanggang 1am ng July 10.
Sinusuri ng SOCO personnel mula Abra PCLO ang pinangyarihan ng krimen at nakakita sila ng bungkos ng plastik. Ang kaso ay isinailalim sa masusing imbestigasyon upang malaman ang posibleng motibo at suspek ng pagpaslang.

Amianan Balita Ngayon