Drayber ng motorsiklo patay sa Ifugao

Hindi pa nakilala ang bangkay ng isang lalaking naaksidente habang minamaneho ang isang motorsiklo sa national highway ng Namillangan, Alfonso Lista sa Ifugao noong Oktubre 31, 2017.
Sa ulat ng pulis ng Alfonso Lista, dakong 10:30 ng gabi nang tumawag sa kanilang himpilan si Judge Rufus G. Malecdan Jr. ng RTC Branch 15, Alfonso Lista, Ifugao at iniulat ang aksidente.
Sa pagresponde ng pulis ay napag-alaman na isang black Honda XRM na may plakang 4968 BA at minamaneho ng isang di pa kilalang lalaki na tinatayang nasa 40 anyos pataas, 5’5″ hanggang 5’6″ ang tangkad, at nakasuot ng blue sweat shirt at gray short pants.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na ang motorsiklo ay patungo sa direksyon ng Isabela nang habang nasa palikong bahagi ng kalsada ay aksidenteng nadaanan ng motorsiklo ang isang tumpok ng mga bato sa tabi ng kalsada na nagbunsod upang bumagsak ito at sumadsad ng halos 10 metro hanggang sa tuluyan itong natumba sa tabi ng kalsada.
Agad isinugod ng pulis at tauhan ng MDRRMO ang biktima sa Potia District Hospital ngunit idineklara itong dead on arrival.
Ang bangkay ng biktima ay dinala sa Carbonel Funeral Homes Poblacion, Alfonso Lista, Ifugao habang ang motorsiklo ay dinala sa Alfonso Lista MPS. Sinisiyasat pa rin ng kapulisan ang pagkakakilanlan ng biktima.

Amianan Balita Ngayon