Drug surrenderee, pinaslang sa Abra

LA TRINIDAD, BENGUET – Pinagbabaril ng riding-in tandem ang isang drug surrenderee dakong 11am noong Huwebes, Hunyo 22, sa Partelo Street, Zone 4, Bangued, Abra, ilang metro lamang ang layo sa provincial capitol.
Si Jeffrey Bisares Nunez, 39, ay hindi na nakarating pa nang buhay sa ospital matapos itong pagbabarilin ng riding-in-tandem na tumakas papuntang Taft Street, bayan ng Bangued.
Si Nunez ay nagsurender sa awtoridad noong Hulyo 16, 2016 dahil sa paggamit at pagbebenta ng ipinagbabawal na droga. Naaresto rin ito noong Mayo 17, 2017 nang pinasok ng awtoridad ang kanyang tahanan dahil sa droga.
Sa ulat ng pulis, nakatayo si Nunez nang hinintuan ito ng riding-in-tandem. Bumaba mula sa motorsiklo ang back rider at binaril ang biktima nang ilang beses gamit ang caliber .45 pistol.
Nakita ng crime scene investigators ang limang fired cartridge cases, isang deformed slug at isang fragmented jacket ng caliber .45 pistol sa lugar ng krimen. ACE ALEGRE / ABN

Amianan Balita Ngayon