DTI nagbabala laban pagbebenta ng uncertified products

Nanawagan ang Department of Trade and Industry -Baguio-Benguet office sa publiko na maging mapanuri at maingat sa pagbili ng mga uncertified at sub-standard products upang makaiwas sa anumang sakit at pagkasira ng buhay.
Ang panawagan ay ginawa ni DTI Baguio-Benguet Provincial Officer Freda Gawisan, matapos isagawa ang destruction sa mga nakumpiskang uncertified at sub-standards products na gaya ng mga steel bars na ginagamit sa construction.
Dinurog ang mga pitong flat glass, pinagputol-putol ang may 90 pirasong angle bars; 2,490 steel bars; dinurog ang may hundreds na Christmas lights at mga lighters, na umaabot sa halagang P361,000.
“Ang mga produktong ito ay nakumpiska noong nakaraang buwan sa mga business establishment na minomonitor ng DTI, base sa reklamo na din ng ilang consumers at kung patuloy na mahuhulihan ang isang business establishment ay masasampahan ng kaukulang kaso,” pahayag ni Gawisan.
Aniya, napakahalaga na maging mapanuri ang isang consumer sa pagbili ng produkto, lalo na sa mga construction materials, dahil kung sub-standard ang nagagamit na bakal ay may posibilidad na masira ang isang itinatayong bahay o gusali.
Ayon kay Gawisan, katuwang nila sa pag-iinspeksyon sa mga nakumpiskang uncertified products ay Philippine Steel Association na kinatawan ni Rudolp Miranda; June Vasquez ng Ceramic Tile Manufacturer Association; Wilson Agno ng Flat Glass Alliance of the Philippines; Nelson Gutierrez ng Shape Angle Secton Manufacturing, Inc; at Edgar Muratin ng Chamber of Philippine Electrical Wires Manufacturer Inc.
“Sila ang mga ka-partner namin sa mga inspection at sila ang nagsasabi kung uncertified ang isang produkto. Sa bawat inspection namin sa mga business establishment ay may kasama kaming kinatawan kung anong produkto ang aming susuriin. Binabalaan din namin ang mga negosyante na nagbebenta ng uncertified products, na sana ay huwag nilang lokohin ang mga consumers,” wika pa ni Gawisan.
Ipinaliwanag naman ni Miranda na ang isang standard na timbang ng angle bar ay 3.5, pero yong mga nakumpiska nila ay mas mababa. “Kapag ginamit ito, oo mura nga, pero pag tumagal ay masisira ito, dahil hindi kakayanin ang bigat ng semento, kaya may posibilidad na magiba ang konstruksyon.”
Nanawagan si Miranda sa mga consumers, lalong-lalo na sa mga manu-manong nagpapagawa ng bahay, na suriing mabuti ang mga materyales na gagamitin, upang matiyak ang kaligtasan.
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon