EDSA – daang-sukol na ba?

Sa nakalipas na 36 na taon ay patuloy na ipanagdiriwang ang umano’y tagumpay ng 1986 EDSA People Power Revolution na nagpatalsik sa pinagbintangang diktador ng ating bansa na si Pangulong Ferdinand Edralin Marcos, at diumano’y nagpabalik sa atin ng “demokrasya”.
Sa pag-usad ng panahon ay unti-unting lumalamya ang pagdiriwang nito, kung saan tanging iilang mga pamilyar na mga mukha at grupo na lamang ang may ganang nagdiriwang. Tanging ang mga dati, paulit-ulit na mga mukha at personalidad, mga aktibista, mga makakaliwa, mga kilalang oposisyon sa mga Marcos, mga pari at madre ang bumabalik sa lansangan upang gunitain ang umano’y madilim na bahagi ng ating kasaysayan at gayundin sariwain ang tagumpay ng 1986 People Power.
Nasa 20 bansa pagkatapos ng digmaan ang nagkaroon ng mapayapang rebolusyon na kagaya ng ating pag-aalsa noong EDSA 1986 na marahil ay mas angkop na tawaging, di-marahas, labis-sa-konstitusyon na pagpalit ng rehimen, lalo na ang pagbabago mula diktadura sa demokrasya. Karamihan sa mga rebolusyon na ito ay ang tinatawag na “rebolusyong may kulay” na sinasabing binigyan-inspirasyon sa anumang paraan ng “Dilaw na Reboulsyon” ng EDSA.
Subalit Pilipinas lamang ang nagdiriwang ng kagayang pangyayari at bilang isang pambansang holiday, na may mga entabladong pagtatanghal, mga pagtatalumpati at mga parada. Karamihan sa ipinagdiriwang ng mga bansang ito maliban sa kanilang relihiyosong mga araw ay ang kanilang mga petsa ng kalayaan mula sa mga banyagang panginoon. Wala sa kanila ang ipinagdiriwang ang pagbagsak ng kanilang sariling mga diktador. Bakit kaya ganito na lamang ipinagdiriwang ng ilan ang araw ng Pebrero 25?
Hindi natin masisisi ang mga kababayan natin na magpahanggang-ngayon ay may hinanakit pa rin sa kanilang mga puso, may mga paniniwalang ayon sa kanila ay iyon ang tama, at may kinikilingan na akala nila ay siyang tunay. Mga biktima rin sila ng mga pagkakataon, mga pangyayari na hindi naman natin lubos na maisisisi sa mga naging lider at tukuyin sila bilang mga salarin sa ating kinahinatnan.
Subalit maging ganun pa man, makakabuti sigurong tingnan muli natin, suriin at pag-aralan ang kasaysayan – ang mga puno’t-dulo ng kinasadlakan ng ating inangbayan.
Isipin natin na baka tayo ay nagagamit lamang para sa interes ng mga inaakala nating mga kakampi, mga inaakala nating kasama natin sa pagtataguyod ng demokrasya at hustisya, ngunit sa katotohanan ay mga “lobong mapanila” na handang sagpangin tayo kapag “oras na”.
Marahil ay kailangang malaman na natin na ang ating tunay na kaaway ay ang malalaki, mababangis at makapangyarihan na mga bansa at hindi tayo na “kapuwa Pilipino”. Panahon na upang magising sa katotohanan na ilang daang-taon na tayong pinaglalaruan sa kanilang “mapag-kalinga kunong” mga palad – ngunit handa tayong gipitin anumang oras upang makamit lamang nila ang kanila mithiing interes.
Huwag na tayong magbubulag-bulagan pa, dapat magising na tayo sa pagkakaidlip at harapin ang katotohanan – ang katotohanan na ang rebolusyon sa EDSA ay hindi tayong mga Pilipino ang nagtagumpay kundi ang humawak at nagpagalaw sa ating kasaysayan sa matagal nang panahon, tayo’y ginamit lamang. Tanggapin na natin ang katotohanan na “daang sukol” na ang EDSA at panahon na upang umusad at ipagpatuloy ang buhay, magkaisa at tumindig sa sarili nating mga paa na walang nakikialam sa ating mga panloob na gawain. Ibangon na muli natin an gating bansa upang maging angat ang bawat isang Pilipino!

Amianan Balita Ngayon