“Elyu”

Opinion

Binabagabag ang La Union ng masasalimuot na isyu.

Una, kaguluhan ang banta ng “ex Lt. Col. Winston Magpali gun-for-hire group” na paunang nabayaran diumano ng P2M upang iligpit si 2nd District rep. Sandra Eriguel at dalawa pang pulitiko Pangalawa’y, ang kaso ng dating administrator ng San Fernando City – Gary Glen Fantastico– sampu ng isang Huwes, Assistant Prosecutor at abogado sa Ombudsman pati na rin ang disbarment nila dahil sa pagtatago sa pinal na hatol ng pagkakulong ni Fantastico sa kasong “attempted murder”.

Dalawang linggo nang hinahabol ang Magpali GFH group. Naiintindihan natin ang hirap ng paghahanap dahil bukod sa “well-oiled killing machine” ang grupo, dating pulis at opisyal ang lider at karamihang kaanib nito.

Hindi sasantuhin ni Ilocos region police director Brig. Gen. Emmanuel Peralta at Cordillera region police director Brig. Gen. Ronald Lee sampu ng pinagsanib na pwersa ng dalawang rehiyon ang “Magpali gun-for-hire group”. Lalo na at pakay ni PNP chief General Guillermo Eleazar na malinisan ang kapulisan at buong imahe nito ng mga tiwali!

Sana’y hindi manlaban ang grupo ni Magpali at matunton ang amo nilang pulitikong umaaruga sa karumal-dumal na gawain at balakin sa La Union. Hangga’t may mga ganitong halang ang kaluluwa, may mga katulad ni Magpali na papatay dahil sa salapi!

Poot naman ang ramdam sa San Fernando City, ang capital ng La Union sa pagtalaga ni Mayor Herminigildo Gualberto kay Fantastico, dahil mismong ang Civil Service Commission at San Fernando City council ang  nagtanggal sa dating administrator matapos mabuking ang pinal na hatol ng Korte Suprema kay Fantastico sa kasong attempted murder noong June 2015.

Inireklamo noong July 5, 2021 sa Ombudsman ang dating administrator, kasama sina Manila RTC branch 1 Judge Cicero Jurado Jr., Manila Assistant Prosecutor Jessie Tiburan at ang abugadong si Adonis Angelo Macam. Sabit din si Mayor Gualberto Jr. dahil sa pagtatalaga kay Fantastico noong Nobyembre 2020 sa kabila ng conviction nito.

Si Judge Jurado Jr. mismo ang nagbaba ng sakdal kay Fantastico, ngunit inapela sa Court of Appeals at naiakyat pa sa Korte Suprema.

Parehong kinumpirma ang unang hatol kay Fantastico at kasamang Rolando Villanueva. Ngunit, hindi lubos maisip na pinawalang sala ni Jurado Jr. si Fantastico at Villanueva noong Oktubre 2015, at yung kwestionableng “Jurado Jr. reversal” sa SC at CA ang ginamit upang ipagduldulan siya bilang administrator.

Naghain ng reklamo sina San Fernando City Councilors Rizalde Laudencia at Antonio Jucar laban kay Fantastico, Villanueva, Judge Jurado Jr., Tiburan at Macam ng kasong “Knowingly Rendering an Unjust Judgment under Article 204 of the Revised Penal Code” at alleged violation of Section 3 (e) of Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).

Ang aksiyon nila Fantatico at iba pa ay isang paghamak sa “criminal justice system” ng bansa at nagdulot pa ng pagyurak sa imahe ng pamahalaan.

Walang esensyal na kaibahan nito ang patuloy na paghahasik ng lagim ng mga gun-for-hire groups sa bansa gaya ni Magpali at grupo nito.